Suklam (138)

“Paano n’yo nalaman na patay na ang iyong papa?’’ tanong ni Brent kay Leah.

“Si Mama ang unang nakaalam. May nagsabi sa kanya.’’

“Anong ginawa ninyo?’’

“Wala.’’

Hindi na sinundan ni Brent ang tanong dahil iginalang niya ang damdamin ni Leah. Wala sa lugar na itanong pa ang may kinalaman sa papa nito dahil kinalimutan na nila dahil sa ginawa sa kanila.

Pero si Leah na rin ang nagdugtong ng iba pa.

“Wala na kaming ginawa para mahanap ang ki­naroroonan ni Papa nang mamatay siya. Sabi ni Mama sa amin, para ano pa at hahanapin. Mula nang umalis daw si Papa sa bahay na ito ay itinuring na niyang patay. At kapag patay na, dun na natatapos ang lahat.”

“Iginalang namin ang pasya ni Mama. Alam namin ng kapatid ko na walang kapatawaran ang ginawa ni Papa. Kaya hanggang ngayon, hindi namin alam kung saan siya nakalibing at wala kaming interes na malaman iyon.’’

Napatango na lang si Brent sa sinabi ni Leah.

Iyon ang dahilan nang lahat kaya wala ni isang picture ng nakasabit sa wall ang kanilang papa. Ngayon ay alam na ni Brent ang lahat tungkol sa papa ni Leah.

(Itutuloy)

Show comments