Suklam (131)

“Gulat na gulat si Mama nang bigla akong umiyak habang nag-uusap kami sa cell phone. Wala si Papa sa bahay at natutulog naman ang kapatid kong lalaki. Ano raw ang nangyayari sa akin at bigla akong umiyak? May problema raw ba ako? Ano raw ang dahilan at umiyak ako?

“Hindi ko sinabi kay Mama ang ginagawa ni Papa dahil natatakot ako. Sa halip, sinabi ko kay Mama na nami-miss ko lang siya kaya ako napaiyak. Sabi ko pa, gusto ko na siyang makita. Sabi ni Mama, malapit na raw siyang umuwi at baka hindi na siya bumalik sa Hong Kong. Nami-miss na rin daw niya kami.

“Tinanong ni Mama si Papa. Okey lang si Papa, sagot ko. Lagi raw siyang nagpapadala ng pera kay Papa dahil marami raw itong pinagbabayaran. Marami raw pinagkakagastusan lalo na sa school.

“Hindi na ako nagsalita. Pero gusto kong sabihin na wala namang pinagbabayaran sa school. Ayaw kong mag-isip si Mama habang nasa Hong Kong.

“Natapos ang pag-uusap namin ni Mama na walang nalaman sa ginagawa ni Papa.

“Hanggang sa dumating ang hindi ko inaasahan—lumayas na si Papa sa amin at pinakisamahan ang babae niya!”

(Itutuloy)

Show comments