“Masarap kang kausap, Leah,’’ sabi ni Brent makaraang uminom ng kape.
“Talaga? Baka ulam ako, ha-ha-ha!’’
“Kalog ka rin.’’
“Nagtataka nga rin ako sa sarili ko at bakit naging kalog ngayon.’’
“Ibig mong sabihin, hindi ka ganyan dati?’’
“Oo.”
“Aba parehas talaga tayo. Hindi rin ako mabiro dati. Hindi kaya tayo ang itinalaga sa isa’t isa?’’
“Baka nga? Baka mag-soul mate tayo?’’
“Naniniwala ka roon?’’
“Oo. Kapag daw masaya at confident ang bawat isa sa unang pagkikita pa lang, malamang ay soul mate sila. Kasi hindi nagkakahiyaan at parang kilalang-kilala na ang isa’t isa. Kaya maaaring noon pa, dati na tayong magkakilala.’’
“Siguro nga Leah. Dama ko, soul mate tayo.’’
“Kung soul mate tayo, posible kayang tayo rin ang maging mag-sweetheart?’’
“Puwede.’’
Nag-isip si Leah.
“Kaya lang kung mangyayari yun, hindi kaya ako magsisi?’’
Napakunot ang noo ni Brent.
Hindi niya maintindihan ang sinabi ni Leah.
“Bakit mo naman nasabi iyon Leah?’’
“Kasi, maraming nangyari. At ewan ko kung maiintindihan mo.’’
“Anong nangyari?’’
“Teka, hindi pa naman tayo mag-sweetheart e bakit ganito na ang usapan natin.’’
“Oo nga ano.’’
“Parang kung mag-usap tayo e magsiyota na.’’
“E kung isipin natin na magsiyota na nga tayo?”
“Puwede!’’
Sabay silang nagtawa.
(Itutuloy)