Suklam (8)

Ginising ni Brent ang kanyang tatay na tulog na tulog at nakayukayok sa silya. La­ging ganito ang tatay niya kapag nanonood ng TV—nakakatulog.

“’Tay, lipat ka na sa kuwarto mo,’’ mara­hang tinapik ni Brent sa braso ang kanyang tatay.

Pupungas-pungas ang kanyang tatay.

“Nakatulog pala ako. Si Franz, dumating na?’’

“Hindi pa ‘Tay.’’

“Ikaw na ang maghintay at ako’y matutulog na ha?’’

“Opo ‘Tay, matulog ka na.’’

Tinungo ng kanyang tatay ang kuwarto nito. Mabagal nang maglakad ang kanyang tatay. Mabuti nga ngayon at hindi sinusumpong ng arthritis. Kapag sinusumpong ito ay awang-awa siya dahil humahaluyhoy sa sakit.

Binuksan muli niya ang TV. Manonood muna siya habang hinihintay si Franz. Bakit kaya ginabi si Franz? Baka nag-research sa library. Graduating na si Franz at siguro’y maraming inaasikaso—baka sa thesis.

Hindi pa siya natatagalan sa panonood ay dumating na si Franz.

“Ginabi ka Franz.’’

“Nag-research ako sa library Kuya. May report ako bukas.’’

“Kumain ka na. Nasa mesa ang ulam.’’

“Oo Kuya.’’

Itinuloy ni Brent ang panonood ng TV. Malabo na ang screen ng TV. Dapat talaga, bumili siya ng bago. Siguro kaya laging inaantok ang tatay niya kapag nanonood.

(Itutuloy)

Show comments