(Ang babaing hindi niya malilimutan)
“Nagbibiro ka ba Kuya?” nagtatakang tanong ni Maria.
“Hindi. Di ba sabi ko sa’yo ang pagkakaroon ng nobya o ang pag-aasawa ay bigla-bigla na lang dumarating. Magugulat ka na lang na meron ka nang kaulayaw, ha-ha-ha!’’
“Sino ang babaing yun, Kuya?’’
“Si Angel.’’
“Paano mo siya nakilala?’’
“Matagal ko na siyang kakilala. Hindi ko pa ba siya naikukuwento sa’yo?’’
“Hindi pa. O baka naikuwento mo sa akin pero hindi ko na maalala.’’
“Siya ang tangi kong classmate na nakapalagayang loob ko. Naging kakampi ko siya nang binu-bully ako ng isa naming propesor nun. Siya ang nagkukuwento sa akin tungkol sa propesor na bully at terror. Kaya pala mainit ang dugo sa akin ng prof ay dahil masama ang tama sa akin.’’
“Ano Kuya?’’
“Masama ang tama. May gusto sa akin ang prof na ‘closet queen’ pala.’’
Nagtawa nang malakas si Maria. Hindi mapigil ang pagtawa.
“Maniwala naman ako Kuya,’’ sabi nito makaraan.
“Totoo. Yan ang sinabi sa akin ni Angel.’’
“E paano naman kayo nagkita ni Angel at napakabilis naman ng mga pangyayari na magsiyota agad kayo.’’
“Mahirap paniwalaan pero nagkita kami sa isang restawran na dati naming kinakainan nung nasa kolehiyo kami. Akalain mo, nagtagpo kami roon—hindi kami pareho makapaniwala.’’
“Ibig mong sabihin, wala sa usapan ninyong magkikita sa restawran?’’
“Wala. Matagal na kaming walang komunikasyon ni Angel.’’
“Aba nakakapagtaka nga ang nangyari—nagtagpo kayo sa lugar na wala naman kayong usapan.’’
“Talagang nakakapagtaka. Parang nagkaisa ang aming isip na magtungo roon.’’
“So may balak na kayong dalawa?”
“Wala pa naman. Bukas ipakikilala ko siya sa iyo. Sa isang restaurant tayo kakain bukas kasama si Angel.”
“Sige Kuya. Para makaliskisan ko si Angel.’’
Kinabukasan, nagkita sila. Pinakilala ni JC si Maria kay Angel. Hindi makapaniwala si Maria sapagkat napakaganda ni Angel. (Itutuloy)