(Ang babaing hindi niya malilimutan)
“Ikaw ang tinutukoy ko Angel,’’ sabi ni JC sa hindi pa rin makapaniwala na si Angel.
“Ikaw ang gusto kong maging GF,’’ dagdag pa ni JC.
“Ako, JC?’’ tanong ni Angel.
“Oo.’’
“Hindi ka nagbibiro?’’
“Bakit ako magbibiro?’’
“Kasi, ngayon lang uli tayo nagkita—parang napakabilis mo namang magtapat.’’
“Mas mabuti na yung mabilis kasi baka matorpe na naman ako sa harap mo e wala akong masabi. Nilakasan ko na ang loob ko.’’
“Talagang seryoso ka, JC?’’
“Oo sabi. Gustung-gusto kita, Angel!’’
Biglang napaiyak si Angel.
“O bakit ka umiyak?’’
Walang sagot.
“Nakakaiyak ba ang sinabi ko na gustung-gusto kita? O baka naman ang gusto mong marinig mula sa akin ay ‘mahal na mahal’ kita o ‘lab na lab’ kita.”
Biglang tumigil sa pag-iyak si Angel.
“Naiyak ako dahil sa kaligayahan, JC. Imagine naman, ang tagal kong hinintay na sabihin mo sa akin yan. Nun pang nasa kolehiyo tayo pero ni minsan, hindi ka nagpahiwatig ng pag-ibig sa akin. Akala ko nga, mayroon ka nang ibang minamahal.’’
“Noon kasi, nakatutok ako sa pag-aaral. Gusto ko kasi makatapos para makaahon na sa kahirapan. Pero nun pa, may nadarama na ako sa’yo—pero itinago ko.’’
“Talaga?’’
“Oo. Hindi mo lang nahalata.’’
“Mahina pala ang pakiramdam ko, ha-ha-ha!’’
“Oo nga.’’ (Itutuloy)