Dioscora (299)

(Ang babaing hindi niya malilimutan)

“Bakit ako Shappira? Ba’t ako ang naisip mong tanungin tungkol sa iyong ina?’’ tanong ni JC sa kabila nang pagkabigla. Hindi niya inaasahan ang pakay ni Shappira.

“Alam kong maraming inililihim sa akin si Lolo. Sa matagal na panahon, inilihim niya ang tungkol sa aking ina. Wala siyang binabanggit ukol dito. Nagtatanong ako pero pawang pag-iwas ang ginagawa niya. Wala akong makuhang impormasyon at kapag nagpupumilit ako, bi­na­bago niya ang usapan. Ayaw niyang pag-usapan ang tungkol sa aking ina. Wala akong ma­pagtanungan ukol sa aking ina at sa loob nang maraming taon, nangulila ako sa kanya.’’

Nabagbag ang kalooban ni JC sa mga sinabi ni Shappira. Halatang sabik na sabik ito sa ina.

“Hindi ko alam kung nasaan ang aking ina. Sinubukan kong maghanap sa FB pero hindi ko makita. Hindi ko alam ang gagawin. Hindi ko nga alam kung buhay pa siya o patay na.’’

Kinilabutan si JC. Paano kung malaman nito na patay na ang kanyang ina.

“Please tulungan mo ako JC. Maari ba tayong mag-dinner sa bahay ni Lolo? Para maging mahaba ang usapan natin. Parang awa mo na, JC.’’

Hindi nakatanggi si JC.

“Sige. Kailan mo gusto Shappira?’’

“Tonight na, JC. Hihintayin kita.’’

“Okey Shappira. Darating ako.’’

“Salamat.’’

Nagpaalam na si Shappira.

Naiwan naman na nag-iisip si JC. Sabihin na kaya niya kay Shappira ang mga nalalaman.

Kinagabihan, nasa mansion na ni SP si JC.

“Halika JC. Salamat sa pagpapaunlak mo.’’

Matapos silang kumain, nag-usap sila sa salas. Nakiusap muli si Shappira.

“Alam ko, mayroon kang nalalaman kay Mommy. Tulungan mo ako na makita siya, JC.’’ (Itutuloy)

Show comments