(Ang babaing hindi niya malilimutan)
Kinabukasan, libing na ni Simon Pedro. Maagang gumising si JC. Kailangang makadalo siya sa libing. Ngayong siya na ang pinuno ng kompanya, hindi siya dapat mawala sa paghahatid sa huling hantungan ng taong nagtiwala sa kanyang kakayahan.
Nakita siya ni Maria habang nasa salas.
“Saan ka pupunta Kuya?’’
“Dadalo ako sa libing ni Tatay SP.’’
“Sasama ako Kuya.’’
“Sige. Magbihis ka na at tatawagan ko si Mulo.’’
“Salamat Kuya.’’
Makaraan ang sampung minuto ay handa na si Maria.
“Anong oras ang libing Kuya?’’
“Alas nuwebe.’’
“Sa palagay mo Kuya, sa paglilibingan kay SP ay dun din nakalibing si Nicodemus?’’
“Siguro. Bakit mo naitanong?’’
“Kasi kung dun din nakalibing si Nicodemus, maaari tayong makapagdasal sa puntod niya at hilingin natin na matahimik na ang kaluluwa niya.’’
Napatango si JC.
“Kapag nadasalan natin ang puntod niya, posibleng matapos na ang kaguluhan at hindi ka na rin gagambalain ng kaluluwa niya. Wala nang sasanib sa iyo.’’
Napatango muli si JC.
Maya-maya, umalis na sila patungo sa punerarya na kinabuburulan ni Simon Pedro.
(Itutuloy)