“Paano tayo magsasama?’’
“Dito ka titira.’’
“Paano ang kapatid ko—si Ana? Magtataka ‘yun kung bakit hindi ako umuuwi.’’
“Ako ang bahala sa kanya. Kakausapin ko siya.’’
Natigilan si JC. Talagang mahal na mahal siya ni Mam Dioscora.
“Gusto ko magkasama tayo lagi JC. Ayaw ko nang nag-iisa—baka may mangyari sa akin.’’
“Ano namang mangyayari sa’yo?’’
“Basta. Huwag mo akong hahayaang mag-isa.’’
“Pero kailangan kong magtrabaho—at meron akong pinangako kay SP.’’
“Alam ko. At alam ko rin na hindi mo na mababawi ang pangako kay Simon Pedro sa gagawin sa akin.’’
“Sasabihin ko sa kanya na tinupad ko ang utos niya—pinaibig kita at totoo naman. Ang hindi niya alam, talaga namang mahal kita.’’
Napatitig si Mam kay JC. Parang sinusuri ang katotohanan sa sinabi nito.
“Totoo bang mahal mo ako JC o sinasabi mo lang ‘yan para hindi ako masaktan?’’
“Mahal kita.’’
‘Yung totoo, JC.’’
“Oo, mahal kita.’’
Napaluha si Mam.
“Bakit ka lumuluha?’’ tanong ni JC.
“Luha ng kaligayagahan, JC. Makaraan ang maraming taon na nakaranas ako nang mapapait at masasakit, mayroong lalaking nagmamahal at nakaunawa sa akin. Mahal na mahal kita JC.’’
“Mahal na mahal din kita.’’
Kinabukasan, maagang nagbihis si JC. Napansin siya ni Mam.
“Saan ka pupunta, JC?’’
“Magrereport ako kay SP.” (Itutuloy)