Dioscora (189)
Atrasadong bumangon si JC. Tinatamad pa siya at gustong magbabad sa higaan pero naalalang may meeting sila ng board ngayong araw na ito. Mahalaga ang meeting na may kinalaman sa mga gagawing planta sa Batangas at Mindoro. Hindi siya maaring mawala sa meeting na iyon.
Nang magtungo siya sa kitchen ay naghahanda na ng almusal nila si Maria. Si Maria ang nagluluto dahil tanghali pa ang duty nito sa ospital bilang intern. Sa isang taon ay magtatapos na ng nursing si Maria. Pagnakapasa ito sa nursing board, posibleng magtrabaho na isang ospital. Balak ni Maria na makapag-abroad—sa London.
“Kain na Kuya. Fried rice, itlog at corned beef. Wala na akong mailuto. Mamaya baka mag-grocery ako bago mag-duty.’’
Naupo na si JC. Nagtimpla ng kape. Nagsimulang kumain.
Naupo na rin si Maria at kumain.
“Gabi ka na dumating ano Kuya?’’
“Oo.’’
“Bakit?’’
“May kaibigan na nagyaya. Uminom ng konti, kuwentuhan…’’
“Nagtaka ako dahil hindi ka naman ginagabi.’’
Hindi na sumagot si JC at pinagpatuloy ang pagkain.
Hindi dapat malaman ni Maria ang nangyari sa kanila ni Mam Dioscora. Ililihim niya.
(Itutuloy)
- Latest