Dioscora (177)
(Ang babaing hindi niya malilimutan)
Hindi malaman ni JC ang gagawin nang biglang umiyak si Mam. Magkatabi sila sa sopa at bahagyang naalog ang sopa sa pag-iyak ni Mam. Unang pagkakataon na nakita niyang umiyak si Mam.
“Mam…’’ nasabi ni JC para mapayapa si Mam kung anuman ang dahilan nang pag-iyak nito.
Nagpatuloy sa pag-iyak si Mam.
Hinayaan ni JC. Ayon sa mga nabasa niya, mabuti para sa tao na may dinadalang problema ang umiyak. Maganda na mailabas ang dinadalang bigat sa dibdib. Naisip ni JC, talagang mabigat siguro ang dinadalang problema ni Mam kaya umiyak.
Mga dalawang minuto sigurong umiyak si Mam.
Maya-maya, tumigil na ito sa pag-iyak. Nasulyapan naman ni JC ang tissue paper na nakapatong sa glass table.
Inabot niya ang tissue at binigay kay Mam.
“Thanks JC,’’ sabi nito at kumuha ng tissue paper. Pinahid ang luha. Dinampian ang pisngi.
“I’m sorry, hindi ko napigil ang sarili,’’ sabi nito pagkaraan at saka tumayo. Tinungo ang kinaroroonan ng mga alak na nakadispley. Kumuha ng isang bote. Nagsalin sa isang kopita. Bumalik sa kinauupuan ni JC at naupo.
“Kailangan kong uminom para makalimot. Pasensiya ka na JC.”
“Okey lang Mam.’’
“Ayaw mo talagang uminom. O kumain kaya?’’
“Busog pa Mam.’’
Tumango si Mam. Sumimsim sa kopita. Maya-may ay inubos na ang laman.
“Nun pa sana kita tatawagan at sasabihing magkita tayo pero nagkaroon ng problema. Hindi na yata matatapos ang problema ko….’’
Nakatingin lang si JC. Sa himig ng boses ni Mam, talagang mabigat yata ang dinadalang problema. Hindi pangkaraniwan.
Maya-maya tumayo si Mam at tinungo ang kinalalagyan ng alak. Nagsalin muli. Lampas kalahati sa kopita.
(Itutuloy)
- Latest