Dioscora (112)

(Ang babaing di niya malilimutan)

“Baka kaya siya nagmamadali ay dahil may sumusubaybay sa kanya, Kuya? Kasi talagang hindi siya mapakali habang nasa upuan,’’ sabi pa ni Maria.

Nag-isip si JC sa sinabi ni Maria. Napansin nga rin niya yun kahapon. Hindi komportable si Mam. Parang mayroon siyang kina­tatakutan?

Pero sino naman ang kinatatakutan ni Mam?

“Matuloy pa kaya ang pagseselebreyt natin ka­sama si Mam, Kuya?’’

“Malabo na palagay ko. Kung mayroon siyang iniiwasan o kinatatakutan, pa­ano pa siya makakasama sa atin? Mahirap ang kalagayan na merong kinatatakutan.’’

Biglang nakaramdam ng panlalambot si Maria. Ang inaasahan niyang selebrasyon sa pagtatapos ni JC ay na­unsiyami.

“Sana, matuloy tayo Kuya. Sana naman, mag-text si Mam sa iyo para sabihin na tuloy ang ating selebrasyon.’’

“Huwag ka munang umasa­ at baka hindi matuloy. Hayaan natin si Mam na magsabi kung kailan.’’

Hindi na nagsalita si Maria.

ISANG araw, nagbalik sa unibersidad si JC para mag-aplay ng transcript ng grades niya at iba pang kakailanganing dokumento sa pagkuha ng board exam sa mga susunod na buwan. Kailangan din niyang kumuha ng mga sertipiko at itatanong din niya kung kailan makukuha ang kan­yang diploma.

Pasado alas dose na ng tanghali nang makatapos si JC sa pagkuha ng mga kailangang dokumento.

Palabas na siya sa gate ng unibersidad nang may tumawag sa kanya.

Nang lingunin niya, si Angel.

Hinintay niya.

“Kumusta, JC!”

“Okey naman Angel.’’

“Congrats!’’

“Salamat.’’

“Lalapitan sana kita nung graduation natin pero may kasama ka—sister mo ba at auntie ang kasama mo?’’

Tumango si JC. (Itutuloy)

Show comments