“Ikaw nga pala ang nagturo kay Mam Dioscoa sa bahay namin,’’ sabi ni JC kay Mulo. “Mabuti at ikaw ang napagtanungan Mulo. Nagtataka nga ako kung paano niya nalaman ang patungo sa amin.’’
“Natiyempuhan na nariyan ako sa tapat ng shop. Akala yata e open tayo pag Linggo. Ako na ang lumapit kay Mam at tinanong kung ano ang kailangan niya. Ikaw nga raw. Saan daw ba ang bahay ninyo. E di tinuro ko.’’
“Maaasahan ka talaga Mulo.’’
“Mabuti nga at nakausap ko siya, JC. Nasabi ko sa kanya ang gusto kong sabihin…’’
“Anong sinabi mo?’’
“Mag-aaplay akong janitor sa kanya.’’
“Anong sagot niya?’’
“Maghintay lang daw ako.’’
“Hindi ka nahiyang magsabi?’’
“Nilakasan ko ang loob ko—tinapangan ko ang hiya.’’
“Pagkatapos ano pang sabi ni Mam?’’
“’Yun lang. Nagpasalamat sa akin at saka umalis na.’’
“Sa palagay mo, tutuparin niya ang sinabi?’’
“Oo. Malakas ang kutob ko. Kasi mukhang tapat siya kung magsalita. Gagawin ang sinabi at pinangako.’’
Napangiti si JC sa sinabi ni Mulo. Malakas ang paniwala nito kay Mam katulad din ni Maria.
“E madali bang nakita ni Mam ang sa inyo JC?’’ tanong ni Mulo.
“Oo.’’
“Mabuti naman at nakita agad ang sa inyo.’’
“Mayroon lang siyang ibinigay na regalo kay Maria. Nag-graduate kasi si Maria sa high school.’’
“A ganun ba? Talagang mabait si Mam ano? Kaya naniniwala akong tutuparin niya ang pangako sa akin. Maghihintay ako sa pangako niya, JC.’’
Tumango lang si JC. Talagang mataas ang paniwala ni Mulo kay Mam Dioscora.
“Kutob ko aasenso ako kapag nakapagtrabaho kay Mam. Palagay ko siya ang magiging tulay ko para gumanda ang buhay.’’
“Sige pagbutihin mo lang kapag naipasok ka ni Mam. Huwag kang gagawa ng palso.’’
(Itutuloy)