“ANONG nararamdaman mo Tatay?’’ tanong ni JC sa ama.
“Wala naman.’’
“Huwag ka na kayang pumasok muna ngayon at magpahinga ka. Tutal at may pera naman ako. May nagbigay sa akin ng pera—customer namin na naiwan ang wallet.’’
“Hindi ako puwedeng mag-absent dahil magpi-finish na kami ng pader. Matatapos na kasi ang bahay na ginagawa namin.’’
“Hindi ba puwedeng huwag ka munang pumasok Tatay. Parang ano… nahihirapan kang kumilos. Parang hinihingal ka pa.’’
“Hindi. Kaya ko.’’
Dinukot ni JC ang wallet sa bulsa at binigyan ng limandaan ang ama.
“Pamasahe mo Tatay.’’
“Huwag na. Mayroon pa ako. Susuweldo kami ngayon sabi ni Foreman. Ibigay mo na lang kay Maria at kailangan niya dahil malapit na ang graduation nila.’’
“Binigyan ko na siya Tatay. Bayad na rin ang graduation fee niya.’’
“Itago mo na yan JC. Mamaya hindi ako uuwi. Baka bukas na. Malaking tipid din sa pamasahe. Malayo rin kasi ang Novaliches.’’
“Sige po Tatay.’’
“Basta huwag mong pababayaan si Maria, JC.”
“Opo Tatay.’’
Umalis na ang tatay niya.
Isinara naman ni JC ang bahay at pagkatapos ay umalis na rin patungo sa autorepair shop.
Habang patungo sa trabaho, hindi maalis sa isipan niya ang pagbibilin ng kanyang tatay na huwag pababayaan si Maria. Bakit ganun na lamang ang pagbibilin ng ama.
Maski nang makarating sa trabaho ay yun pa rin ang iniisip niya. Ano ang pahiwatig ng kanyang ama?
Itutuloy