“Maraming kawatan dito. Baka pagbalik natin bukas, nadagit na ‘yan, JC. Tiyak hahanapin sa atin ng may-ari ang wallet na ‘yan,’’ sabi ni Kuya Dads nang mapansing bantulot si JC na dalhin ang wallet ng babaing nagpaayos ng aircon ng kotse.
“Papasok ako Kuya—dala-dala ko itong wallet.’’
“E ano naman? Ingatan mo lang. Tapos tawagan mo uli mamaya ang babae. Hinahanap sigurado ‘yan. Marami bang laman na pera?’’
“Oo.’’
“Ilan?’’
“Hindi ko binilang. Ayaw kong hawakan. Pawang one thousand—siguro twenty thousand.’’
“Dami ah.”
“Bukod sa pera may mga credit card pa at ID, Kuya.’’
“Sige dalhin mo na. Baka bukas, balikan ‘yan dito. Bukas nga pala agahan mo ang pasok dito sa shop. Tatanghaliin ako. Sasamahan ko sa clinic ang ate mo, parang buntis na naman.”
“Sige, Kuya. Dadalhin ko na ang wallet.’’
Umalis na si JC para pumasok sa school. Panggabi ang klase niya. Alas sais hanggang alas nuwebe. Engineering ang kurso niya.
Mag-a-alas diyes na ng gabi nakauwi mula sa school si JC. Nakaabang sa may pinto ng inuupahan nilang kuwarto ang kanyang tatay.
“Ginabi ka JC,’’ sabi ng tatay niya.
“Mahirap makasakay Tatay. Nakasabit na nga ako.’’
“Sige magbihis ka na at kumain ka na. May taklob na pinggan ang ulam. ‘Yung kanin ay ipinainit ko. Matutulog na ako.’’
“Sige Tatay. Si Maria po?’’
“Natutulog na.’’
Humakbang ang tatay ni JC patungo sa kuwarto.
Hindi nagpalit ng damit si JC. Gutom na gutom siya. Kakain muna siya bago magpalit ng damit.
(Itutuloy)