“Magiging tatlo na tayo Lara. Ang saya-saya ko naman,’’ sabi ni Dex at pinaghahalikan sa pisngi ang asawa.
“Kaya pala tuwing umaga e bumabaliktad ang sikmura ko, buntis na pala ako!’’
“Ano ang napaglilihihan mong pagkain?’’
“Parang gusto kong kumain ng manggang hilaw na may bagoong, Dex. Naglalaway ako.’’
“Ibibili kita ng mangga ngayon. May nabibili namang bagoong sa mga tindahan sa Batha.’’
“Gusto ko malutong ang mangga ha? ‘Yung malagatas.’’
“Ihahanap kita. Hindi ako uuwi hangga’t walang dalang manggang manibalang.’’
“Salamat Dex.’’
“Bukod sa mangga, ano pa ang gusto mong kainin?’’
“Mangga lang talaga, Dex.’’
“Ayaw mo ng bayabas o kaya’y singkamas?’’
“Ayaw.’’
“Sige, aalis muna ako para bumili ng mangga at bagoong. Mga 30 minuto lang at narito na ako.’’
“Mag-ingat ka Dex.’’
Umalis na si Dex at nagtungo sa Batha para bumili ng mangga. Tamang-tama, nakakita siya ng mangga sa isang fruit stall malapit sa Al-Rahji Bank. Pawang manibalang. Galing daw India. Malaki ang pagkakaiba sa mangga sa Pilipnas. Bilog at mataba. Kalahating dosena ang binili niya.
Pagkatapos ay nagtungo siya sa isang Pilipino store sa basement ng Batha building. Dalawang bote ng bagoong alamang ang binili niya. Galing Pinas ang bagoong.
Pagkatapos mabili lahat ang mga gusto ni Lara, umuwi na si Dex. Eksaktong alas dose ng tanghali ay nasa bahay na siya.
Nakaabang na si Lara sa kanya. Takam na takam si Lara nang makita ang mga manibalang na mangga. Agad nagtalop si Dex ng mangga at hiniwa-hiwa nang mahaba para maisawsaw sa bagoong.
Nang kainin ni Lara ang hiwa-hiwang mangga, sarap na sarap. Hindi tinigilan hangga’t hindi nauubos ang manibalang na mangga.
“Ang sarap Dex! Super!’’
Makalipas ang siyam na buwan, nanganak na si Lara. Isang malusog na baby boy ang isinilang niya.
Masayang-masaya si Dex. Hindi maipaliwanag na kasiyahan.
“Ang guwapo ng baby natin, Lara.’’
“Guwapo kasi ang daddy.’’ (Itutuloy)