Madaling nakita ni Dex ang agency na pag-aaplayan. Nasa Pasong Tamo malapit sa Pasay Road. Maraming nag-aaplay nang dumating siya. May mga nakatambay na aplikante sa labas at waring naghihintay na mainterbyu. Mayroon din siyang nakita na ilang lalaki na may dalang maleta na sa tipo ay paalis na.
Pumasok siya sa loob. Marami ring naghihintay. Sa tingin niya ay mga nag-iinterbyung employer sa bawat kuwarto.
Tinungo niya ang information at nagtanong sa babaing naroon.
“Mam aplikante ako isang ospital sa Riyadh. Pinapunta ako rito para mag-submit ng requirements. Nai-forward na raw ang name ko rito sabi ng personnel ng hospital.’’
“Anong name?’’
Sinabi ni Dex.
“Maupo ka muna roon at hahanapin ko sa file,” sabi ng babae.
Naupo si Dex.
Makaraan ang 15 minutes, tinawag siya ng babae.
“Narito po ang list ng requirements na isa-submit. Kung mayroon ka nang dala ngayon puwede mo nang i-submit para ma-process.’’
“Meron mam. Passport lang ang kulang ko. Narito ang mga papeles ko,’’ sabi niya at inabot sa babae ang laman ng envelope.
Inisa-isa ng babae ang mga dokumento ni Dex.
“Balik ka bukas para sa interbyu—1:00 p.m.’’
“Okey Mam.’’
Umalis na si Dex.
Kinabukasan, wala pang ala-una ng hapon ay nasa agency na siya. Mabuti nang maaga. Masyadong matrapik na. Hindi na siya nagdala ng sasakyan.
Eksaktong 1:00 p.m., ininterbyu na siya ng manager. Binasa ang kanyang CV at pinasadahan ng tingin ang kanyang diploma at transcript.
Makalipas ang wala pang kinse minutos, tapos na.
“Congrats. For medical ka na and then i-submit mo ang ilang kulang pa gaya ng passport.’’
“Opo. Salamat po Sir.’’
Masayang nagpaalam si Dex.
Kinagabihan, nireport niya kay Lara ang resulta. Tuwang-tuwa si Lara.
(Itutuloy)