Nag-file ng bakasyon sa opisina si Dex para mahaba-haba ang oras na ititigil niya sa puntod ni Tess. Kapag dumadalaw siya, karaniwang isa hanggang dalawang oras ang itinitigil niya dahil kailangan niyang pumasok sa opisina. Maglilinis din siya sa paligid ng puntod. Maraming laglag na dahon ng narra ang puntod. Kahit nililinis ng mga tauhan ng memorial park, lagi pa ring may mga sanga at dahon na nalalaglag.
Maaga pa kaya hindi pa masakit sa balat ang araw. Ipinatong niya sa ibabaw ng puntod ang bulaklak at tinirik ang kandila. Sinindihan. Tama ang hula niya na may mga laglag na tuyong dahon sa puntod ni Tess. Pinulot muna niya isa-isa ang mga dahon at inilagay sa malaking basurahan sa dako roon.
Pagkatapos ay saka siya tahimik na nagdasal para sa kaluluwa ng asawa.
Isang taon na ang nakalilipas mula nang iwan mo ako Tess. Parang kailan lang. Isang taon na pala akong nangungulila sa iyo. Patuloy pa rin kitang hinahanap. Kahit na ano ang gawin ko, hindi ko pa rin malimutan ang pagkawala mo sa piling ko. Lagi kitang naiisip sa tuwi-tuwina. Lagi ko ring naalala ang mga bilin mo na huwag kong pababayaan ang sarili. Hindi ko malilimutan ang pagmamalasakit mo. Lagi kitang mamahalin, Nag-iisa ka sa puso ko Tess.
Pagkatapos ng ilang oras sa puntod ni Tess, nagpaalam na si Dex. Sa puntod naman ni King siya pupunta.
Bumili siya ng bulaklak at kandila para kay King.
Malayo pa siya sa puntod, may natanaw na siyang tao roon. Hindi niya malaman kung lalaki o babae. Hanggang makita niyang umalis na ang tao. Nagmadali siya sa paglalakad. Sino kaya ang taong iyon?
(Itutuloy)