Habang nag-aalala sa kalagayan ni Lara, naisip ni Dex ang mga huling habilin ng kaibigang si King. Ilang beses inulit sa kanya na huwag pababayaan si Lara. Mahina si Lara at hindi kayang mag-isa. Maski sa sulat, sinabi muli ni King na huwag pababayaan si Lara.
Hindi na mapakali si Dex. Paano kung may nangyari kay Lara? Paano kung saan ito napadpad? Baka kung saan-saan nakarating makaraang malaman na wala nang uuwian sa Nagcarlan? Baka napahamak na?
Sinubukan niyang mag-search sa FB at bakasakaling makontak niya.
Walang account sa FB si Lara.
Naisip ni Dex, baka naman may kamag-anak dito sa Maynila si Lara at doon nakatira. Pero kung meron, sana nasabi sa kanya ni King. Walang nabanggit si King tungkol dun. Maski nga mga kamag-anak ni King dito sa Maynila ay walang ikinukuwento sa kanya.
Nang wala nang ibang maisip na paraan si Dex kung paano mahahanap at makokontak si Lara, sinubukan naman niyang maghalungkat sa mga gamit ng mag-asawa sa kuwarto. Bakasakaling may makita siyang address na maaring puntahan ni Lara.
Isang malaking maleta ang nasa kuwarto na hula ni Dex ay mga damit at dokumento ang laman.
Nang buksan niya, mga lumang damit at mga papeles na nasa brown envelope ang naroon. Iniisa-isa niyang buklatin ang mga nasa envelope. Mga record sa school at diploma ng mag-asawa ang nakita niya. May mga pictures ng mag-asawa.
Napagtuunan niya ang isang picture ng babae. Maganda. Kamukha ni Lara. Nang tingnan niya ang likod may nakasulat. MINA, 132 Tejeros BLISS, Makati City.
Nagkapag-asa si Dex. Pupuntahan niya ang nasabing address. Bakasakaling may alam ang babaing nasa picture kung nasaan si Lara. (Itutuloy)