Kaibigan (63)                

“Puro ka biro, Tess,’’ sabi ni Dex na namu­mula ang mukha dahil sa mga sinasabi ni Tess. Hindi siya sanay makipag-usap sa katulad ni Tess na masyadong prangka.

‘‘Hindi ako nagbibiro, Dex. Kapag niligawan mo ako ngayon sasagutin kita at mamayang uwian, sasama na ako sa’yo. Kahit saan mo ako dalhin, bahala ka.’’

Napangiti nang alanganin si Dex. Hindi siya sanay sa ganitong usapan.

Wala siyang maisagot sa mga sinabi ni Tess. Grabe na talaga ang pagka­gusto nito sa kanya. Parang ma­syado nang ob­sessed sa kanya. Ano kaya ang nakita nito sa kanya.

Mabuti na lang at paparating ang HR manager at nakagawa ng paraan si Dex na makabitaw sa pakikipag-usap kay Tess.

“Paparating ang boss mo, Tess. Aalis na ako!’’

Inirapan siya ni Tess. Para bang sinasabi na napakahina niyang lalaki. Palay na ang lumalapit sa manok pero ayaw pang tumuka.

Dali-dali siyang umalis. Hindi na muna siya makikipag-usap kay Tess at baka kung anu-ano pa ang sabihin sa kanya. Iiwa­san na muna niya ito.

Pero sa totoo lang, hindi talaga magkaroon ng puwang sa kanya si Tess kahit­ pa maganda ito at seksi. Kung siguro ay mapagsamantala siya, puwede nang “laman­tiyan”si Tess. Ito naman ang naghahandog ng sarili kaya puwedeng gawin ang gusto. Pero dahil hindi siya mapagsamantala, ayaw niya. Baka matisbun lang niya si Tess ay magsisi siya. Mahirap yatang makabuntis ng babae na hindi gusto. Ang gusto niya, kung mambubuntis ng babae ay ‘yung may pitak sa puso niya. Ayaw rin niya sa babae ‘yung inio-offer na ang sarili.

Nang magbalik si Dex sa opisina niya, ibinuhos na lang ang sarili sa pagtatrabaho. Kailangang maging busy siya para hindi makasingit ang mga hindi magagandang isipin sa buhay. Kailangang maging abala para mabilis lumipas ang oras.

Nang umuwi kinahapunan si Dex, naka­ramdam na naman siya ng lungkot. Nag-iisa na naman siya sa kanyang bahay. Mag-isa na naman siyang magpapatay ng oras.

Pakiramdam niya, hindi na siya sanay sa ganitong sitwasyon. (Itutuloy)

Show comments