Isang araw, magkasama sina Drew at Marianne sa pagbisita sa mga malapit nang anihin na mangosteen. Malapit sa sapa ang mangosteen farm nila na mahigit 10 ektarya. Pinakyaw na iyon ng isang pharmaceutical company dahil ginagawang gamot. Binayaran na sila ng ilang milyong piso bilang paunang bayad. Ang kabuuan ay kapag nakuha na lahat ang bunga.
‘‘Dito pala sa pagtatanim ng mga prutas at gulay tayo aasenso, Marianne. Kailangan pala magtanim pa tayo nang magtanim para lalong umasenso.’’
‘‘Oo Drew. Nagtataka nga lang ako kung bakit marami ang ayaw magbalik-probinsiya e narito ang grasya. Magsipag lang ay tiyak na gaganda ang buhay.’’
“Tingnan mo itong mangosteen natin, parang kailan lang natin itinanim e namumunga na at nagsampa na nang maraming grasya.’’
“Hindi nga ako makapaniwala, Drew. Parang nananaginip pa nga ako hanggang ngayon.’’
“Hindi ka pa rin makapaniwala na marami na tayong pera?’’
“Oo, Drew.’’
‘‘Natupad ang pangarap natin dahil sa kasipagan sa pagtatanim.’’
‘‘Kaya kailangan ay magtanim pa tayo.’’
“Korek ka diyan.’’
Niyaya ni Drew sa pampang ng sapa si Marianne. Nakita nila na marami na namang talbos ng pako roon.
‘‘Mananalbos ako ng pako, Drew. Masarap ang ensalada nito. Ipagagawa kita. Tamang-tama at ang tataba ng talbos.’’
‘‘Kunin mo na lahat. Masarap din ang talbos sa ginataang kuhol di ba?’’
Maya-maya may naisip si Drew. Nilapitan si Marianne.
(Itutuloy)