Ang hindi inaasahan ni Marianne ay ang mga sunod pang sinabi ni Drew.
‘‘Kapag nakaipon na tayo nang maraming pera, pakakasal na tayo—engrande! Gusto mo sa isang hotel sa Maynila o sa Makati ang reception. Sa Manila Cathedral tayo ikakasal o kahit saang simbahan na gusto mo. At magha-honeymoon tayo sa Tokyo. Tamang-tama, nandun ang sister ko. Hindi na tayo mahihirapan sa pamamasyal dahil siya ang tour guide natin.
“Pero bago tayo magpakasal mayroon akong gustong ipagawa na noon ko pa gustong simulan. Ito sana ang ireregalo ko sa iyo at kay Lola.’’
“Ano ‘yun Drew?’’
“Ipagagawa ko ang nawasak n’yong kubo. Pero hindi na kubo ang ipagagawa ko kundi bungalow. Di ba noon ay naipangako mo sa iyong namatay na lolo na ipagpapagawa mo sila ng bahay, ngayon ay magkakatotoo na ‘yun.’’
Napaiyak si Marianne. Napasubsob sa dibdib ni Drew.
‘‘Huwag ka nang umiyak. Marami ka nang nailuha noon.’’
“Naiiyak lang ako sa katuwaan at sa mga magagandang nangyayari sa akin Drew. At nangyari ‘yun dahil sa’yo. Salamat Drew.’’
May mga gabing hindi agad makatulog si Marianne hindi dahil sa problema kundi sa pag-iisip sa magagandang plano na inihahanda ni Drew para sa kanila.
Sabi ni Drew, kapag marami na raw silang pera, magpapakasal na sila. Kinasasabikan na niya iyon. Pero kailangan ay kumita pa sila para matupad iyon. Tiningnan ni Marianne ang kanyang kanang palad. Nakaguhit doon ang nakatakda niyang pagyaman ayon kay Drew. (Itutuloy)