‘‘Totoo Marianne? Oo ang sagot mo ?’’ tanong ni Drew.
‘‘Oo.’’
Sa sobrang kasiyahan ay nayakap ni Drew si Marianne.
‘‘O baka may makakita sa atin, Drew!’’
Bumitaw sa pagkakayakap si Drew.
‘‘Hindi ko napigilan ang sarili Marianne. Masyado mo akong pinaligaya.’’
‘‘Hindi mo inaasahan na ngayon din kita sasagutin?’’
‘‘Oo. Kaliligaw ko lang sa’yo e sinagot mo na agad.’’
‘‘Bakit pa kita pahihirapan e mahal din naman kita. Noon pa naman ay mahal na kita. Nang i-rescue mo ako sa club, naramdaman ko na nun na mahal kita. At lalo pa kitang minahal, nang tulungan mo si Lola na maoperahan. Kung kaya ko nga lang na magtapat ng pag-ibig, e di ginawa ko na. Hindi ka kasi gumagawa ng hakbang…’’
‘‘Naghahanap pa kasi ako ng tiyempo, ha-ha-ha!’’
‘‘Ang galing naman ng tiyempo mo, pagligaw ay sagot agad.’’
Nagtawanan sila.
Kasunod niyon, nagsimula na silang gumawa ng plano para sa kanilang hinaharap.
Nang mga sumunod na araw, nagkasunud-sunod ang suwerte nila. Nagbunga na ang kasipagan at pagsisikap nila. Nag-ani sila nang maraming pakwan at melon. Kumita sila nang malaki! (Itutuloy)