“Maganda siya, Drew?’’ tanong ni Marianne na ang tinutukoy ay ang dating kasintahan ni Drew na umayaw dito.
“Maganda.’’
“Hindi mo siya tinanong kung bakit ganun ang nangyari na basta ka na lang isinantabi.’’
“Hindi na. Ako kasi ang taong hindi na nagkukuwestiyon sa pasya ng isang tao. Kahit masakit na basta na lang akong ibinasura e hindi na ako nagtanong pa. Ganun ako Marianne—tinitiis na lang ang anuman.’’
“Ang bait mo Drew. Bihira ang katulad mo.’’
“Salamat.’’
‘‘Pero nakakapanggigil ang babaing nagbasura sa’yo. ‘Yun bang masarap sabunutan, ha-ha-ha!’’
Nagtawa rin si Drew.
‘‘Sorry nadala ako ng awa sa iyo, Drew. Siguro’y dahil sa naging mabait sa akin. Dahil ikaw ang nagligtas sa akin. Basta, nanggigil ako sa babaing ‘yun.’’
‘‘Salamat sa pakikisimpatya, Marianne. First time akong nakarinig na may taong kumampi at nagpadama ng awa sa akin—ang sarap pakinggan.’’
‘‘Talaga namang dapat kang suportahan sa nangyari. Basta huwag ko lang makikita ang babaing ‘yun at makikita niya…”
Nagtawa si Drew.
“Nakakatuwa ka pala kapag nanggigigil, Marianne.’’
“Naaawa kasi ako sa’yo.’’
Napatangu-tango lang si Drew.
‘‘Pero siguro kakarmahin din ang babaing ‘yun. Lahat daw ng masamang bagay na ginawa sa kapwa ay babalik din. Humanda siya sa karma!’’
Maya-maya narinig nila ang tawag ni Tikoy sa labas. Uuwi na sila dahil malapit nang lumubog ang araw. Hindi nila namalayan ang paglipas ng oras dahil sa pagkukuwentuhan.
Kinabukasan, habang nagtatanim ng seedlings ng dalandan, muli na namang nagpadama ng awa si Marianne kay Drew.
“Hindi ko malimutan ang kinuwento mo Drew. Talagang naaawa ako sa’yo dahil sa ginawa ng dati mong gf.’’
“Hindi ka maka-move on, ha-ha-ha!’’
(Itutuloy)