“Ang dami mong naitanim na lansones, Marianne,’’ sabi ni Drew habang kumakain sila ng tanghalian sa kubo. Pasado alas dose na nang sila ay kumain dahil ayaw pang bumitaw ni Marianne sa pagtatanim. “Tinalo mo pa ako. Sanay na sanay ka sa pagtatanim ng puno.’’
“Bukas, mas marami akong itatanim, Drew.’’
“Pagdating ng araw, tayo ang may pinakamalaking taniman ng lansones dito. Ang mahal ng kilo ng lansones ano, Marianne?’’
“Oo. Baka rito ka yumaman nang todo, Drew. Baka sa future, tawagin kang Don Andrew, ha-ha-ha!’’
“Kapag yumaman ako, yayaman ka rin at si Tikoy. Siyempre tayo ang nagtulung-tulong na nagtanim. Kapag yumaman ka, tatawagin kitang Doña Marianne, ha-ha-ha!’’
“Sana magkatotoo, ano Drew?’’
“Posibleng magkagtotoo ‘yun dahil nagsisikap tayo.
‘Yung mga mayayamang Pinoy ngayon, nagtiyaga sila sa simula at ngayon inaani na nila ang bunga ng pagod at hirap.’’
Napatango si Marianne sa pagsang-ayon kay Drew.
May isinuhestiyon si Marianne kay Drew.
“Alam mo Drew, ang isang prutas na ubod din nang mahal ay ang mangosteen. Mabuti yata magtanim din tayo nun. Kasi ‘yung balat yata ng mangosteen ay ginagamit na gamot sa diabetes. Ginagawang tablet yata. Subukan nating magtanim nun.’’
“Sige, magpapahanap ako kay Tikoy ng seedlings ng mangosteen.’’
“Gawin nating paraiso itong property mo, Drew. Punuin natin ng halaman at mga punong namumunga ang makikita.’’
“Puwedeng paraiso nga! Ang galing mong mag-isip Marianne.’’
“Salamat.’’
Hanggang sa hindi inaasahang tanong ang namutawi sa labi ni Marianne.
“Bakit hindi ka pa nag-aasawa Drew?’’
Hindi agad nakasagot si Drew.
Makaraan ang ilang segundo saka nakasagot.
“Natakot na ako, Marianne.’’ (Itutuloy)