Huling Eba sa Paraiso (152)

“Wala na pala talaga kaming titirhan ni Lola! Wasak na wasak na ang kubo!’’ sabing maiiyak ni Marianne.

‘‘Wala namang prob­lema dahil sa farm house ko muna kayo titira.’’

‘‘Gusto ko maitayo muli ang kubo. Hindi naman habang panahon ay nakikitira kami sa inyo, Drew.’’

“Tutulungan ka namin ni Tikoy na maitayo ang kubo. Pero sa ngayon, sa farm house ko muna kayo. Isa pa kahit na maitayo natin ang kubo, hindi pa rin kayo dapat tumira dahil delikado pa ang sitwasyon di ba. Malay natin may mga tauhan pa si Mr. C na balak maghiganti. Di ba sabi ni Luke, kailangan pa rin tayong mag-ingat.’’

Napatango si Marianne.

‘‘Sa palagay mo Drew, mabilis lang maitayo ang kubo?’’

‘‘Mabilis lang. Maliit lang naman. At saka ang materyales ay mura lang naman. Coco lumber lang at kawayan ay puwede na. Ang bubong ay kogon para hindi mainit lalo kung summer.’’

“Ganyan nga ang kubo na gusto ni Lola—para raw masarap matulog kung tang­hali. Ayaw niya ng yero dahil mainit.’’

“Oo nga. Ako mas gusto ko ang bahay na gawa sa kawayan at kogon ang bubong.’’

“Sa palagay mo Drew, mga magkano ang magagastos sa pagpapagawa ng kubo?’’

“Wala akong ideya. Pero maaari tayong magtanong. Marami namang gumagawa ng kubo. Sasabihin lang natin kung ano gagamitin para nakukuwenta nila ang gastos.’’

‘‘Salamat Drew.’’

‘‘Sa ngayon, sa farm house muna kayo titira.’’

‘‘Tutulong ako sa pagtatanim n’yo, Drew. Ako ang mag-aararo.’’

‘‘Trabaho ng lalaki ‘yun, Marianne. Hayaan mo sa amin ni Tikoy ang trabahong ‘yun.’’

Napatango si Mariannne.

Isang tanghali, tapos nang magtanim ng mga suwi ng kawayan sina Drew, Tikoy at Ma­rianne. Nagpapahinga sila sa tabing sapa.

Nagpaalam si Marianne kay Drew.

‘‘May kukunin lang ako Drew.’’

“Anong kukunin mo?’’

Ngumiti lang si Marianne.

Tinungo nito ang pampang. Sumunod si Drew.

(Itutuloy)

Show comments