Kinabukasan, patuloy pa rin sa paglilinis ng buong bahay si Marianne. Maaga itong nagising at ang kusina naman ang nilinis. Inalis lahat ang mga basyong bote ng suka, patis, ketsup, toyo at iba pa. Inilagay sa isang plastic bag. Pati ang mga box ng rice cooker at coffee maker na na nakatambak sa ibabaw ng cabinet ay sinama na rin sa plastic bag. Iglap lang at malinis na ang cabinet. Naging maaliwalas ang kusina.
“Wow, ang linis na! Nagmukhang kusina na ito!’’ sabi ni Drew.
‘‘Marami pang basyong bote na dapat alisin pero ikaw ang magpasya kung dapat ngang alisin.’’
“Alisin mo na, Marianne. Sa tagal na walang nakatira ay siguradong mga basura na ang mga bote sa cabinet. Ikaw na ang bahala. Kapag nailagay mo na lahat sa bag e tawagin mo ako o si Tikoy at ilalabas ko sa gate para makuha ng mga nangangalakal.’’
“Ako na ang maglalabas, Drew. Kaya ko naman ‘yan.’’
“Basta tawagin mo ako. Nasa room lang ako at inaayos ang internet connection ng laptop ko.’’
Tumango lang si Marianne at saka pinagpatuloy ang ginagawa.
Nang lumabas si Drew mula sa kanyang kuwarto makaraan ang kalahating oras, wala na ang black plastic bag. Nailabas na.
“Nasaan na ang bag ng basura, Marianne?’’
‘‘Inilabas ko na. Magaan lang naman. At saka maaabala ka sa ginagawa. Si Tikoy naman ay abala sa pagwawalis sa bakuran.’’
Napangiti na lang si Drew.
‘‘Nasaan nga pala si Lola Ela?’’
‘‘Nasa room sa itaas. Tinitiklop ang mga lumang damit sa kabinet. Mga damit mo yata ‘yun.’’
‘‘Oo sa akin ‘yun. Mabuti pa i-donate natin sa mga masasalanta ng kalamidad ang mga damit.’’
‘‘Sasabihin ko kay Lola, ayusin ang tiklop ng mga damit at ilagay sa kahon.’’
“Oo. Marami pang mahusay sa mga damit na iyon.’’
Kinabukasan, patuloy pa rin sa paglilinis si Marianne. Ang antique na mesang kainan ay nilinis na mabuti. Napakasipag ni Marianne. Wala siyang masasabi sa babaing. Dapat lang na lubus-lubusin niya ang pagtulong dito. Lahat ay gagawin niya. (Itutuloy)