Huling Eba sa Paraiso (93)

‘‘Malakas ang kutob ko na mga tauhan ni Mr. C ang sumusunod sa atin kanina,’’ sabi ni Drew kay Tikoy matapos itong atasan na magpatuloy na sila sa pagbibiyahe patungong Maynila. Nasa expressway na sila.

‘‘Talagang gusto nilang mabawi si Marianne, Kuya.’’

‘‘Oo,’’ sagot ni Drew at tumingin sa rear view mirror. Nakitang natutulog si Marianne at Lola Ela. “Malaki kasi ang kikitain ng club niya kung si Marianne ang mananatiling star dun.’’

“Pero bakit sinalakay ng mga pulis e di ba sabi ni Marianne malakas si Mr. C?’’

‘‘Palagay ko, nagpapakitang gilas lang ang hepe ng pulisya. Malay natin baka bagong promote ang hepe. O baka naman nagkulang sa padulas si Mr. C.’’

“Palagay ko nagkulang sa padulas, Kuya. Maraming matatakaw na pulis ngayon.’’

“Pero di ba itinaas na ni Digong ang suweldo nila? Malaki na ang suweldo ng patrolman ngayon – thirty thousand!’’

“Ang laki Kuya!’’

“Oo. Pero kahit malaki na, hindi pa sila kuntento.’’

Napa-tsk-tsk-tsk si Tikoy.

‘‘Kahit yata pasuwelduhin nang malaki e hindi pa rin maawat.’’

Napa-tsk-tsk-tsk uli si Tikoy.

Maya-maya pa sumapit na sila sa toll plaza. Dumukot ng pera si Drew at inabot kay Tikoy. Binayaran ni Tikoy ang toll. Nagpatuloy sila.

“Saan nga pala tayo pupunta Kuya?’’

“Sa luma naming bahay sa Earnshaw.’’

‘‘Akala ko sa may San Lazaro kayo nakatira Kuya. Nakarating na ako minsan dun – malapit sa may karerahan.’’

“Nandun pa rin ang bahay namin sa may San Lazaro. Itong sa Earnshaw, kay Mama ito, namana niya. Mas maganda sa Earnshaw.’’

“Ah. Ituro mo lamang sa akin, Kuya at hindi ko alam.’’

“Sige. Sa Nagtahan tayo dadaan. Pagbaba ng Nagtahan, kakaliwa lang tayo sa Fajardo St.’’

Wala pang isang oras, nasa Earnshaw na sila.

“Dun sa berdeng gate na yun ang aming bahay. Iparada mo roon Tikoy.’’

Ipinarada ni Tikoy.

Nagising na sina Marianne at Lola Ela.

(Itutuloy)

Show comments