Huling Eba sa Paraiso (7)
Kinabukasan, isinama ni Drew si Tikoy sa sapa at sinabi ang balak na pagtatanim ng kawayan.
‘‘Gusto kong magkabilang pampang ng sapa ay mataniman ng kawayan, Tikoy,’’ at saka itinuro ang kahabaan ng sapa.
‘‘Puwede Kuya. Kung magkabilang pampang ang tataniman natin, mas titibay ang lupa at hindi maaanod ng baha.’’
‘‘Napipigilan ng kawayan ang soil erosion. Bukod dun, source rin ng oxygen ang kawayan.’’
“Talaga Kuya?’’
‘‘Oo. Sa Japan mayroon silang bamboo forest dun. Ang gandang tingnan ng mga kawayan na maayos na maayos ang pagkakatanim.’’
“Nakarating ka na sa Japan, Kuya?’’
‘‘Oo. Bago magpandemya naroon ako. Naroon din kasi ang kapatid kong babae – teacher siya sa Tokyo.’’
“Ah. Kailan kaya ako makapunta ng Japan, ha-ha-ha!’’
‘‘Balang araw makakarating ka rin dun. Kapag nagtagumpay tayo sa mga balak dito sa farm, pupunta tayong Japan.’’
“Wow! Dapat pala sipagan ko pa.’’
‘‘Korek!’’
‘‘Ano bang uri ng kawayan ang balak mong itanim, Kuya?’’
‘‘Sa palagay mo anong uri ang mahusay?’’
‘‘Tinikan.’’
“Mahusay ba ‘yun?’’
“Oo Kuya, Matibay ‘yun. Ginagamit sa paggawa ng bahay at iba pa. Bukod dun, masarap din ang labong ng tinikan, Kuya? Ginagataan ang labong.’’
“Talaga? Hindi pa ako nakakatikim nun.’’
‘‘Masarap Kuya, lalo na kung may sahog na amamakol.’’
“Ano ‘yung amamakol?’’
“Mushroom.’’
“Ah. Minsan magluto ka ng ginataang labong na may amamakol.’’
“Sige Kuya.’’
“Saan tayo kukuha ng mga itatanim na tinikan?’’
“May nabibilhan sa Bayuin, Kuya.’’
“Sige ikaw na ang bahala. Sabihin mo sa akin kung magkano.’’
“Bukas ng umaga, pupunta ako sa Bayuin, Kuya.’’
“Sige.’’
Maya-maya may naisip si Drew.
“Kapag tinamnan natin ng kawayan ang pampang, e di wala nang tutubo na mga pako. Kawawa naman ‘yung babaing namamako rito.’’
“Tutubo pa rin ang pako, Kuya. Darami pa nga dahil gusto ng pako ay malilim.’’
Napatangu-tango si Drew. Maraming nalalaman si Tikoy. (Itutuloy)
- Latest