‘‘Huwag ka nang umiyak, mahal ko,’’ sabi ni Joem habang pinapahid ang luha sa pisngi ni Monay.
“Luha ito nang tuwa, kasiyahan at kagalakan, Joem. Natupad na kasi ang mga hinihiling ko sa buhay. Lahat ng mga hiningi ko sa Diyos ay ibinigay Niya. Hiniling ko na ang makasama habambuhay ay ang lalaking mahal na mahal ko at ibinigay niya. Hiniling ko na makasama na natin ang anak kong si Joana at ibinigay niya. Hiniling kong magkaroon tayo ng malulusog na anak at ibinigay niya. Lahat nang hiniling ko, Joem, ipinagkaloob niya. Iyan ang dahilan kaya ako napaiyak. Masaya ako. Walang kasingsaya.’’
“Ako man ay walang kasingsaya dahil ipinagkaloob ka niya sa akin. At pinagkalooban mo ako ng mga anak. Masayang-masaya ako Monay – pinakamasaya sa lahat nang lalaki sa buong mundo. Mahal na mahal kita, Monay.’’
Saka hinalikan ni Joem sa labi si Monay.
Hindi nila alam, pinagmamasdan pala sila ng tatlong anak.
Matapos halikan ni Joem ay nagpalakpakan ang tatlo.
Nagulat sina Joem at Monay sa ginawa ng mga anak.
Naghalakhakan sila. Lumapit ang bunsong si Junior at nagpakarga sa kanyang mommy. Sumunod na lumapit sina Joana at Katherina at yumakap sa ama at ina.
Kinabukasan, dinalaw nila ang puntod ni Kat sa memorial park. Taimtim na umusal ng dasal sina Joem at Monay. Nagpapasalamat sila kay Kath sa mga nagawa nito sa kanilang buhay.
Muling tumulo ang luha ni Monay dahil sa walang hanggang pasasalamat sa itinuring na matalik na kaibigan.
Salamat Kath sa mga nagawa mo sa amin ni Joem. Hindi kita malilimutan.
(Abangan bukas ang bagong nobela ni Ronnie M. Halos. Huwag kaligtaan ang bawat labas.)