Nang magtungo sa U.S. sina Joem at Monay, pagbalik ay kasama na nila si Joana, ang anak ni Monay sa unang asawa. Pinoy din ang unang asawa ni Monay, isang Marine, na namatay on duty sa Afghanistan nang masabugan ng landmine.
Mabait na bata si Joana na kahawig din ni Monay. Matatas magsalita ng Tagalog dahil tinuturuan ng mga uncle nito. Dalawang lalaki ang kapatid ni Monay. Bukod dun, Tagalog ang usapan sa bahay kaya mahusay magsalita si Joana.
Kaya walang naging problema sina Joem at Monay nang isama na ito sa Pilipinas para makasama na nila ng lubusan. Kasundong-kasundo ni Joana ang kapatid na si Katherina na noon ay dalawang taon. Lagi nitong kinakarga ang baby pang si Junior.
Makalipas pa ang isang taon at tatlo na ang mga naglalaro sa harap nang malaking bahay nina Joem. Malawak ang kanilang bakuran kaya dito naglalaro ang mga bata. Walang tigil sa paghahabulan at pagtataguan ang tatlo. Punumpuno ng halakhak ang kanilang bakuran. Napakasarap pakinggan ng tawanan ng mga bata.
Habang naglalaro ang tatlo, pinanonood sila nina Joem at Monay. Tuwang-tuwa si Monay.
“Ang saya nila, mahal ko. Ang sarap pakinggan ng kanilang tawanan.’’
“Natupad din ang pangarap ko Joem na magkasama-sama ang mga anak ko. Salamat sa iyo at pinayagan mong makasama si Joana rito.’’
“Bakit naman hindi ako papayag?’’
“Kasi may mga lalaking ayaw ipipisan sa kanila ang anak ng kanilang asawa. Marami akong alam na lalaking ganun ang ugali.’’
‘‘Hindi ako ganun Monay. Ang mahal mo ay mahal ko rin. Masaya ako kapag nakikita kang masaya. Lahat nang gusto mong magpapaligaya sa’yo ay gusto ko rin. At saka, talagang mahal na mahal kita. Walang makakatulad sa pagmamahal ko sa’yo, Monay.’’
Napaluha si Monay. Nag-uunahan ang dalawang butil ng luha sa mga pisngi nito.
Dumukot ng panyo si Joem at pinahid ang luha ng asawa.
(Tatapusin na bukas)