Habang nagluluto ng fishball si Joem, nagkukuwentuhan naman sina Monay at Trishia. Nilimot na ni Monay ang tampo kay Trishia dahil sa hindi nito pagsasabi sa mensahe ni Joem. Para kay Monay, maliit na bagay iyon para masira ang kanilang pagkakaibigan. Mula elementarya hanggang high school ay magkaklase na sila. Kahit saan magpunta ang isa’t isa, magkasama sila.
Binalikan nila ang masasayang araw noong nasa high school sila.
“Natatandaan mo ba Trishia ‘yung nangyari sa akin habang naglalakad tayo sa school ground. Katatapos lamang umulan noon at nadulas ako. Tapos pinagtawanan ako ng mga lalaki sa kabilang section at inaway mo sila. Hanga ako sa iyo dahil hinarap mo sila at pinagmumura. Sabi mo pa sa mga lalaki, sa halip na tulungan ang nadulas ay pinagtawanan. Walang nakaimik sa mga lalaki. Nagulat sa ipinakita mong tapang.’’
“Siyempre hindi ko malilimutan ‘yun Monay. E ‘yung nangyari na tinagusan ako sa palda – nagka-mens ako at bakat na bakat ang stain sa palda ko. Ikaw ang nagsabi sa akin na tinagusan ako. Ikaw din ang gumawa ng paraan para hindi mahalata ang tagos. Kumuha ka ng chalk at nilagyan ang palda ko. Puti ang palda natin nun di ba. Pinahiran mo nang pinahiran ang palda ko ng chalk. Sa CR natin ginawa. Pasalamat ako nang pasalamat sa’yo. Kung hindi mo ako tinulungan tiyak na pagtatawanan ako ng mga kaklase natin. E sa sunod pa naman nating subject ay magrereport ako sa unahan ng ating klase. Talagang napamahal ka sa akin nang labis Monay dahil dun. Tunay kang kaibigan.’’
“Salamat, Trish.’’
“Sana napatawad mo ako sa nagawa ko – ‘yung hindi ko pagsasabi sa iyo sa message ni Joem nun. Pinagsisihan ko na ‘yun.’’
‘‘Nakalimutan ko na ‘yun. Noon pa pinatawad na kita. Maliit na bagay ‘yun para masira ang ating pagkakaibigan.’’
‘‘Salamat Monay.’’
‘‘Ikaw talaga ang nag-iisa kong kaibigan.’’
Maya-maya, naluto na ang pinakahihintay nilang fishball. Inihain ni Joem sa mesa. Nakahanda na ang sawsawan. Binigyan ni Joem ng pantusok na stick ang dalawa.
‘‘Game na mga sister! Napakasarap niyan!’’
Tumusok ng fishball sina Monay at Thrisia. Isinawsaw sa masarap na sauce. Isinubo.
‘‘Sarap talaga ng FB ni Joem!’’ sabi ni Trissia.
‘‘Ito ang pinaglilihian ko, Trishia.’’
“Talaga? Sure na maputi ang anak mo, ha-ha-ha!’’
(Itutuloy)