Bago pa sumikat ang araw ay naghahabulan na sa tabing dagat sina Joem at Monay. Nakatapak sila pareho. Tuwang-tuwa si Monay habang tumatakbo sa tubig na hanggang bukung-bukong niya.
‘‘Ang sarap Joem! Ngayon lang ako nakatakbo ng yapak sa dagat. Ang lamig ng tubig. Parang pumapasok sa talampakan ko ang lamig.’’
‘‘Sige tumakbo ka pa at hahabulin kita.’’
Tumakbo si Monay. Damang-dama niya ang pinong buhangin na napakasarap tapakan. Kung hindi pa sila naging magkasintahan ni Joem ay hindi siya makararanas ng ganito. Napakasaya niya. Walang kasingsaya.
“Habulin mo ako Joem. Ang bagal mong tumakbo, ha-ha-ha!’’
“Nandiyan na ako! Humanda ka!’
Hinabol ni Joem si Monay.
Humalakhak si Monay habang tumatakbo.
‘‘Hindi mo ako aabutan. Mas mabilis akong tumakbo kaysa sa’yo, ha-ha-ha!’’
‘‘Kapag inabot kita, may gagawin ako sa’yo. Hinding-hindi mo makakalimutan ang gagawin ko sa’yo Monay.’’
Lalo nang tumawa nang malakas si Monay at binilisan ang takbo.
“Hindi ako magpapaabot sa iyo, Joem.’’
“Hindi pala ha? Nandiyan na ako Monay.’’
Humalakhak pa nang humalakhak si Monay. Para silang mga bata na naglalaro sa dagat.
Napuno ng halakhak ang bahaging iyon ng Paraiso Beach.
Nang abutan ni Joem si Monay, binuhat niya ito at dinala sa hanggang hita na lalim ng tubig at saka dahan-dahan itong binitiwan.
“Joemmmm, ayyyy! Huwag mo akong bitiwan! Huwagg!’’
Pero binitiwan din ito ni Joem.
Lalong tumaginting ang kanilang tawanan.
Bumalik ng US si Monay. Pero bago ito umalis plantsado na sa pagbabalik nito ay ikakasal na sila ni Joem. Nakahanda na ang lahat – mga magiging ninong at ninang, mga abay at pati ang simbahang pagkakasalan at lugar ng reception.
Pagkalipas ng isang buwan, bumalik si Monay at ang kinasasabikan nilang pag-iisang dibdib ay naganap.
Natupad ang kanilang matagal nang pinapangarap na maging mag-asawa. Wala silang pagsidlan sa tuwa habang binabati ng mga kaibigan. (Itutuloy)