“Nakakatuwa ang nangyari sa atin ano, Joem. Pagkaraan nang matagal na pagkakahiwalay ay nagkita muli at sa altar din pala ang kahahantungan natin.’’
“Oo nga. At parehong wala nang asawa – biyudo ako at biyuda ka.’’
“Mapagbiro talaga ang buhay ano?’’
“Oo nga. Akalain mo, kung kailan pareho tayo nasa alanganing edad na saka muling nagkita. Nakakatuwa talaga.’’
“Bakit kaya hindi tayo naging magsiyota noon pa at kailangang magkalayo pa. Bakit kaya hindi tayo nagkaunawaan noong nasa high school tayo.’’
“E kasi po torpe ka. Kailangan pang ako ang magbigay ng motibo.’’
“Oo nga. Torpe ako, ha-ha-ha! Mahiyain. Tiyope.’’
‘‘At mahinang humalata. Mahina ang pakiramdam. Tama ba ako, Jose Emmanuel?’’
‘‘Oo. Jacqueline, mahina nga ang pakiramdam ko.’’
Humalakhak si Monay nang tawagin siyang Jacqueline ni Joem.
‘‘Ang sagwa kapag Jacqueline ang tawag mo sa akin. Parang baduy, ha-ha-ha!’’
‘‘Mas okey sa iyo ang Monay?’’
“Oo.’’
“Sa Tate anong tawag sa’yo?’’
“Jackie.’’
“Ang ganda. Pero mas bagay sa iyo ang Monay.’’
Nagtawa si Monay.
“Natatandaan mo ba kung kailan ako tinawag na Monay sa klase natin?’’
“I remember na nag-umpisa ‘yun nung birthday mo na nagdala ka ng isang kahong monay at ipinakain mo sa aming magkaklase. Tuwang-tuwa ang buong klase. Mula nun, Monay na ang tawag sa’yo. Tapos nga, araw-araw mo na akong binibigyan ng monay.’’
‘‘Sa palagay mo ba Joem, alam ng classmates natin na araw-araw kitang binibigyan ng monay?’’
“Palagay ko alam nila. Si Trishia palagay ko ang nagsabi sa classmates natin.’’
‘‘Nasan na kaya si Trishia?’’
‘‘Wala akong ideya.’’
Hanggang napag-usapan nila ang mga gagawin sa kanilang kasal.
‘‘Gusto ko sa Manila Cathedral tayo magpakasal, Joem?’’
“Sige. Ang reception natin sa Manila Hotel para malapit.’’
“Sige.’’
‘‘Gusto ko pagkakasal natin, sa lumang bahay mo tayo tumira.’’
‘‘Bakit dun ang gusto mo?’’
“Gusto ko roon. Mas masarap dun. Simple lang.’’
(Itutuloy)