“Baka hindi ako lalo makatulog kapag katabi ka Joem.’’
“Bakit naman?’’
“Siyempre magkatabi tayo. Baka…’’
“Baka ano?’’
“Baka naghihilik ka, ha-ha-ha!’’
“Hindi ako naghihilik.’’
“Paano mo nalaman na hindi ka naghihilik e tulog ka?’’
“Basta hindi ako naghihilik. Maniwala ka sa akin. Halika na. Tabi na tayo. Kasya naman tayo kahit single ang kama.’’
Bantulot si Monay na sumampa sa kama.
“Baka malikot ka Joem…’’
“Hindi ako malikot. Wala akong kakilus-kilos kapag natutulog. Kung ano ang posisyon ko nang mahiga ganun pa rin ang posisyon ko paggising.’’
“Hindi iyon ang ibig kong sabihin.’’
“E ano?’’
“Baka likutin mo ako…’’
“Ano? Ba’t naman kita lilikutin? Etong bait kong ito?’’
Nagtawa si Monay.
“Puro ka biro Joem. Huwag kang malikot ha?’’
‘‘Hindi nga ako malikot. Halika na. Lumalalim na ang gabi. Marami pa tayong papasyalan bukas.’’
“E...’’
“Huwag ka nang maraming kiyeme. Sampa na.’’
Sumampa si Monay.
Humiga.
‘‘Tumalikod ka sa akin, Joem.’’
‘‘Ayaw mong magkaharap tayo?’’
‘‘Ayoko. Tumalikod ka.’’
Tumalikod si Joem.
‘‘O okey ka na Monay?’’
“Oo. Huwag kang haharap ha?’’
“Kung yan ang gusto mo, hindi ako haharap. O okey na ha?’’
“Oo.’’
“Good night, Monay.’’
“Good night.’’
Nanatiling nakatalikod si Joem.
Si Monay naman ay nakatihaya.
Paminsan-minsan sumusulyap si Monay kay Joem. Walang kakilus-kilos si Joem. Tulog na yata, naisip ni Monay.
Pinilit ni Monay na makatulog. Pero bakit ayaw siyang dalawin ng antok. Binago niya ang posisyon. Tumagilid siya. Nakatalikod kay Joem.
Pero ayaw pa rin siyang antukin.
Ganito siya kapag humihiga sa ibang kama. Naninibago siya. Natatandaan niya nang bagong dating siya galing US at mag-isang naka-check-in sa hotel, hindi rin siya makatulog. Madaling araw na siya nakatulog nun.
Bumaling uli siya. Humarap naman sa nakatalikod na si Joem. Walang kakilus-kilos si Joem. Tulog na yata ang damuho! Napakabilis namang natulog!
Tumihaya siya. Ayaw pa rin siyang antukin. Bakit ganito?
Dinampot niya ang kanyang cell phone na nakapatong sa may lampshade. Binuksan ang Facebook. Kapag gusto niyang magpaantok, FB ang binubuksan niya. Pero kalahating oras na siyang nagpi-Facebook ay hindi man lang bumabagsak ang mga mata niya. Isinara niya ang cell phone.
Bumaling sa nakatalikod na si Joem.
Tinapik niya.
“Joem…’’
Hindi kumikibo si Joem. Tinapik uli niya.
“Joem…’’
Kumilos.
“Ano ‘yun?’’
‘‘Hindi ako makatulog. Magkuwentuhan muna tayo.’’
“Inaantok na ako, Monay.’’
“Sige na Joem para antukin ako.’’ (Itutuloy)