Monay (200)
Magkahawak-kamay na naglakad sa dalampasigan sina Joem at Monay, dakong alas kuwatro ng hapon. Malamig na ang sikat ng araw. Tahimik na tahimik ang dagat. Walang maririnig na hampas ng alon sa dalampasigan. Hinayaan nilang halikan ng alon ang kanilang mga.
“Ngayon lang nahalikan ng tubig dagat ang mga paa ko, Joem.’’
“Ngayon ka lang nakapasyal sa tabing dagat?’’
“Oo. Noong nasa kolehiyo pa ako, nagyaya ang mga kaklase ko na mag-beach, somewhere in Pangasinan, pero hindi ako nakasama.’’
“Why?’’
“Hindi ako pinasama ni Mama. Baka raw kung ano ang mangyari. Baka raw mag-inuman ang mga classmate kong lalaki at hipuan ako. Baka raw may magwala at kung anu-ano pa. Hindi raw puwede. Masamang-masama ang loob ko. Wala akong magawa. Nang manggaling sa outing ang mga classmates ko at nagkukuwentuhan nga happenings, inggit na inggit ako. Kaya ni minsan, hindi pa ako nakakayapak sa tubig-dagat. Ang lamig pala.’’
“Maski nang nasa US ka, hindi ka rin nakaranas mag-beach?’’
“Hindi. Ang mga kapatid ko nagbi-beach pero hindi ako sumasama. Nang magka-asawa naman ako, hindi rin nangyari dahil nasa Afghanistan ang mister ko bilang sundalo. Kaya wala akong karanasan sa beach. Mabuti nga at dinala mo ako rito. Ikaw lang pala ang makakatighaw sa kauhawan ko sa beach, ha-ha-ha!’’
“Kawawa ka naman.’’
“Talagang kawawa ako, Joem. Kinawawa ako ni Mama. Masyado akong sinakal. Kaya nga ang pangako ko sa buhay, kapag nagkaanak ako, hindi ko gagawin ang ginawa ni Mama. Lagi akong mapang-unawa sa aking mga anak. Hindi ko sila hihigpitan gaya nang ginawa sa akin.’’
Napatangu-tango si Joem. Damang-dama niya ang mga sinabi ni Monay.
‘‘Kawawa ako ‘no, Joem?’’
Tumango si Joem at saka pinisil ang palad ni Monay.
“Di bale mamahalin naman kita nang sobra-sobra. Hindi ka na magiging kawawa kahit kailan. I love you, Monay.’’
“Love you too, Joem.’’
Maya-maya, natanaw nila na lumulubog na ang araw. Parang bola ng apoy na humahalik sa dagat. Pulang-pula!
‘‘Ang ganda Joem! Ngayon lang ako nakakita ng ganyan!’’
“Halika, maupo tayo roon. Susubaybayan natin ang unti-unting paglubog.’’
Tinungo nila ang upuang konkreto. Naupo at pinagmasdan ang paglubog ng araw. Inakbayan ni Joem si Monay. Hawak ni Monay ang palad ni Joem. Ayaw na nilang matapos ang sandaling iyon. (Itutuloy)
- Latest