Kinabukasan, dinalaw ni Joem ang puntod ng asawang si Cath. Linggu-linggo dinadalaw niya ang puntod at dinadalhan ng sariwang rosas na paborito ni Cath.
Habang nasa harap ng puntod, masayang umusal ng dalangin si Joem. Tahimik siyang nagreport sa asawa. Kapag dumadalaw siya, lagi niyang kinakausap ang asawa. Pakiramdam ni Joem, nakikinig ang kanyang minamahal na asawa sa kanyang tahimik na pagkukuwento. Noong nabubuhay pa si Cath, gusto nitong magpakuwento kay Joem. Naaaliw daw si Cath sa kanyang paraan ng pagkukuwento.
“Nagkaroon na kami ng komunikasyon ni Monay. Gaya ng sinabi mo sa akin, nag-friend request ako sa kanya at agad naman niyang tinanggap. Hindi siya makapaniwala na magkakaroon kami ng komunikasyon. Tamang-tama raw ang pag-friend request ko dahil mayroon daw kaming school reunion. Excited siya na magkita-kita kami. Kailangan daw ay dumalo ako.
“Tama ang mga sinabi mo sa akin sa iyong sulat na biyuda na si Monay. Tama rin ang sinabi mo na masyado siyang kinontrol ng kanyang mama. Ngayon daw na wala na ang kanyang mama ay magagawa na niya ang lahat ng gusto niya. Nakalaya na raw siya makaraan ang matagal na panahon. Wala na rin daw makakapigil sa kanya para umuwi sa Pilipinas.
“Sabi nga pala ni Monay, tulungan ko raw hanapin ang kanyang kaibigan na si Pandekoko. Nagtataka raw siya kung bakit hindi na nagme-message sa kanya si Pandekoko.
‘‘Pag-uwi raw niya gusto niyang makita ang kaibigan. Kaya tulungan ko raw siya na hanapin si Pandekoko.
“Paano ang gagawin ko? Maaaring malaman niya ang tunay nating relasyon.
“Mas maganda siguro na sabihin ko na. Ano sa palagay mo?’’
Napabuntunghininga si Joem. Kung sana ay naririnig siya ni Cath. Sana…
(Itutuloy)