Isinubsob ni Joem ang sarili sa pagtatrabaho. Ang mga araw na sinayang niya dahil sa pagmumukmok at pag-inom ng alak ay binawi niya. Pinag-aralan niyang mabuti kung paano mapauunlad ang kanilang negosyo. Gusto niya maungusan pa ang ibang kalaban nila sa negosyo. Gusto niyang nasa top ang kanilang kompanya katulad ng gustomg mangyari ni Cath. Malalim na ang gabi kapag umuuwi siya. Dahil pagod na pago, madali siyang nakakatulog.
Hanggang sa lumipas pa ang anim na buwan nang dibdibang pagtatrabaho at pag-aaral sa negosyo, napabilang ang kanilang kompanya sa top 100 corporation. Laman ng mga business pages ng mga diyaryo ang mga nangungunang kompanya.
Masayang-masaya si Mark nang puntahan si Joem sa opisina nito.
‘‘Bilib na talaga ako sa’yo Bro. Napakahusay mo talaga. Nasa top 100 corporations ang kompanya natin.’’
‘‘Congratulations sa ating lahat, Mark’’
‘‘Magselebreyt tayo mamaya, Bro.’’
‘‘Sige. Dun tayo sa kinakainan namin ni Cath nun. Nagsisilbi ng beer dun. Inom tayo.’’
‘‘Oo nga matagal na rin tayong hindi nakakapag-beer.’’
‘‘Mula nung tumigil ako sa pag-inom hindi na nasayaran ng alak itong lalamunan ko, ha-ha-ha !’’
“Baka hindi ka na sanay Bro, ha-ha-ha!’’
“Subukan natin mamaya.’’
Kinagabihan, sa paboritong seafood restaurant sila kumain at uminom.
“Dito kami unang kumain ni Cath,’’ sabi ni Joem makaraang uminom ng malamig na beer. “Kaya hindi ko malimutan ang lugar na ito. Dito kami nagkaunawaan.’’
“Sa palagay mo mag-aasawa ka pa Bro?”
“Hindi na siguro, Mark. Malalim ang pag-ibig ko kay Cath.’’
(Itutuloy)