Habang nakatayo at nakatingin sa bagong nitso na kinalalagakan ng asawa, umiiyak si Joem. Marami na siyang nailuha sa pagkawala ni Cath pero patuloy pa rin ang pagbukal ng kanyang luha. Walang katapusang pagluha na hindi niya alam kung kailan titigil. Wala siyang alam kung kailan huhupa ang nadarama niyang sakit ng kalooban sa pagkamatay ni Cath.
Hindi pa man, natatakot siyang umuwi sa kanilang bahay sapagkat tiyak na lalo siyang dadalawin ng lungkot. Hindi siya sanay na uuwi at wala nang madaratnang Cath. Nasanay na siya na kapag dumarating galing trabaho ay nakaabang si Cath. Nasa bakuran ito ng kanilang bahay at nakaupo sa tumba-tumba. Mula nang mag-retiro si Cath bilang presidente ng kompanya ay nanatili na lamang ito sa bahay at ginampanan ang pagiging asawa.
Ngayong wala na si Cath, wala na siyang daratnan sa bakuran. Wala nang hahalik sa kanya at magtatanong ng mga nangyari sa maghapon sa opisina. Wala na ring maghahain sa kanya ng pagkain. Mula nang magretiro, ito ang nag-aasikaso ng kanyang pagkain. Ito ang nagluluto. Hindi nito ipinauubaya sa maid ang paghahanda ng pagkain. At habang kumakain siya, kinukuwentuhan siya ni Cath. Kung anu-anong mga kuwento. Pati mga tsismis sa artista ay ikinukuwento sa kanya. Kapag may napanood itong nakakatawa sa TV ay ikukuwento sa kanya. At mauuwi sila sa halakhakan.
Ngayon ay tiyak na hahanap-hanapin niya ang mga halakhak ni Cath. Hahanap-hanapin niya ang mga ginagawa nitong pagsisilbi sa kanya. Hahanap-hanapin niya ang mga pagkukuwento nito.
Hindi niya kayang mag-isa. Paano siya mabubuhay ngayong wala na si Cath? Paano siya?
Hanggang sa madama ni Joem ang malamig na simoy ng hangin. Lumalatag na ang dilim. Unti-unti nang natatakpan ang memorial park.
Pero wala siyang balak umuwi. Gusto niyang manatili sa kinalalagakan ng asawa.
Nang may maramdaman siyang tapik sa balikat. Nang lingunin niya ay si Mark na kanyang kaibigan.
“Bro, dumidilim na. Halika na.’’
“Dito muna ako Mark. Ayaw kong umuwi.’’
“Halika na Bro. Bukas uli tayo magtungo rito. Madilim dito.’’
“Natatakot akong umuwi, Mark. Parang hindi ko kayang mag-isa ngayong wala na si Cath.’’
“Sasamahan kita, Bro.’’
Saka lamang napapayag si Joem. (Itutuloy)