“Maraming salamat Joem. Napasaya mo ako,’’ sabi ni Mam Catherine bago bumaba sa kotse.
“Salamat din Mam, este Cath. Okey lang ‘yun.’’
“Hindi ko malilimutan ito Joem. Talagang nag-enjoy ako sa company mo.’’
“Salamat uli.’’
“E di paano, hindi na kita aalukin pumasok dahil gagabihin ka. Next time na lang siguro – kahit makapagkape ka.’’
“Thanks, Cath. Next time na lang.’’
“Okey bye. Ingat ka,” sabi ni Mam at bumaba na sa kotse.
Kumaway pa ito kay Joem.
Pinatakbo na ni Joem ang kotse.
Habang banayad na tumatakbo ang kotse, hindi pa rin makapaniwala si Joem na makakasama niya sa pagkain si Mam Catherine. Masarap palang kasama si Mam. Halos hindi niya namalayan ang paglipas ng oras dahil sa masarap nilang pagkukuwentuhan.
At isa pang ikinagulat ni Joem, huwag na raw niyang tawaging Mam ito kundi Cath na lang. Tumatanda raw ang pakiramdam kapag tinatawag na Mam. Kapag nasa opisina na lang saka siya tawaging mam.
Napangiti si Joem. Kailan kaya mauulit ang pagkain nila ni Mam?
Binalikan ni Joem ang mga pangyayari nang yayain siya ni Mam na kumain sa labas kanina. Parang planado ang pagyayaya sa kanya. Bakit walang dalang sasakyan si Mam? Talaga kayang iniwan ang sasakyan nito para ang sasakyan na lang niya ang gamitin?
At naalala ni Joem, kaninang paglabas nila sa parking area ng kompanya at dumaan sila sa guards booth, bakit biglang yumuko at itinago ni Mam ang mukha. Iniwasan kaya niyang makita siya ng guard. Sabagay hindi naman siya makikita sa kotse dahil heavy tinted ito.
Napangiti muli si Joem. Kung masaya si Mam o si Cath sa dinner nila, mas masaya siya – walang kasingsaya!
Sana nga maulit ang pagkain nila ni Cath sa labas. (Itutuloy)