Monay (88)
cNababasa ni Joem sa mga mukha nito ang katanungang “bakit kaya ipinatawag ni Mam?’’
Pero kung noon ay nakatungo siya at tila nahihiya sa mga kaopisina sa tuwing lalabas sa opisina ni Mam, ngayon ay taas-noo na siya at walang bakas nang pagkapahiya. Straight body siya nang tunguhin ang kanyang mesa. Ang mga sinabi sa kanya ni Mam kanina ang nagbigay ng tapang sa kanya. Sa totoo lang, nadagdagan ang tiwala niya sa sarili dahil sa mga papuri ni Mam. At lalo pa nga nang sabihin ni Mam na ipo-promote siya bilang superbisor. Sino ang hindi lalakas at tatapang sa suporta na ibinibigay ni Mam.
Sabi ni Mam kanina, kailangan daw nito ang mga ka-tulad niya para makatulong sa pagpapaunlad ng kompanya. Kailangan ang mga katulad niyang may fresh ideas. Lihim na napangiti si Joem. Ngayon siya naniniwala na malaki ang tiwala sa kanya ni Mam. Walang duda.
Si Mark ang una niyang pinagsabihan ng promotion. Tuwang-tuwa si Mark sa kapalaran ng kaibigan.
“Congrats Bro. Sabi ko na nga ba at nakalinya ka na para maging bossing sa kompanyang ito. Ibang klase ka talaga.’’
‘‘Salamat, Mark.’’
‘‘Baka naman malimutan mo ako kapag ikaw na ang big boss dito, Bro.’’
“’Sobra ka naman, big boss na agad ang sinasabi mo. Nakakahiya sa ma-kakarinig.’’
“Hindi imposible Bro. Baka nalimutan mo na marunong akong manghula. Nahuhulaan ko na magiging big boss ka rito.’’
“Huwag mong ilakas at naninindig ang balahibo ko.’’
“Tandaan mo ang sinabi ko Bro.’’
“Sige naniniwala na ako sa’yo para matigil ka na.’’
“Ganyan nga.’’
Isang linggo ang lumipas, lumipat na sa kanyang bagong opisina si Joem. Hindi pa rin siya makapaniwala. Pakiramdam niya, nananaginip siya.
Pinagmasdan niya ang bagong opisina. Totoo na nga ito. Hindi siya nananaginip. (Itutuloy)
- Latest