Paglabas ni Joem sa opisina ni Mam Catherine, nagtaka siya sapagkat ang mga kaopisina niya ay nakatingin sa kanya. Lahat ay sa kanya nakapako ang mga mata na para bang nagtatanong. Naitanong ni Joem sa sarili kung ano ang dahilan at nakatingin ang mga ito sa kanya.
Wala naman siyang mapagtanungan at saka ano ang iisipin nang mapagtatanungan niya. Naisip ni Joem, hindi siguro niya dapat bigyang pansin ang napansing pagtingin ng mga kaopisina niya. Wala naman siyang ginagawang mali. At saka ang pagtungo niya sa opisina ni Mam ay para magpasalamat dahil naipasok nito ng trabaho ang pinsan niyang si Bong.
Naisip ni Joem, siguro nagtataka na ang mga kasamahan niya dahil lagi siyang nasa opisina ni Mam. Kasalanan ba niya e sa ipinatatawag siya nito. Noong una, pinatawag siya ni Mam dahil binati siya dahil sa nalathala niyang life story sa diyaryo. ‘Yun lang naman ang natatandaan niyang nagtungo sa opis ni Mam at ngayon na nagpasalamat siya. Wala nang ibang pagkakataon na nagtungo siya sa opisina ni Mam Catherine.
Naputol ang pagmumuni-muni ni Joem nang lumapit si Mark sa kanya.
‘‘Breaktime na Bro. Baka aabsent ka na naman dahil mayroon ka pang tatapusin. Baka magka-ulcer ka! Ikaw din.’’
“Magmemeryenda ako. Wait lang Mark,’’ sabi niya at ini-logout ang computer.
Nagtungo sila sa canteen.
Habang bumababa sa hagdan patungo sa canteen sa basement, tinanong ni Joem si Mark kung ano sa palagay niya ang dahilan at nakatingin ang mga kaopisina sa kanya kanina nang lumabas mula sa opis ni Mam.
Napangiti si Mark bago sumagot.
“Ano pa e di inggit.’’
‘‘Inggit sa akin?’’
Tumango si Mark.
‘‘Bakit sila maiinggit?’’
‘‘Siguro nagtataka sila kung bakit closed ka kay Mam e mas bago ka rito. Baka napapansin na lagi kang kausap ni Mam.’’
“Ilang beses pa lang namin kaming nag-uusap ni Mam.’’
“Kahit na. Sa mga naiinggit, kahit isang beses lang marami na ‘yun.’’
Nag-isip si Joem. Kailangan bang kainggitan siya.
‘‘Huwag mo nang isipin ‘yun. Kumain na lang tayo. Baka gusto mo akong ilibre, he-he-he!’’
“Oo bah. Siyanga pala naipasok ko na ang pinsan ko. Tama ka, Mark. Nakiusap ako kay Mam at tapos ang problema. Bukas, start na si Bong.’’
“Kitam!’’ (Itutuloy)