Monay (7)

Maraming masayang alaala na naiwan ang kanyang ama at hindi niya malilimutan ang mga iyon. Kahit walang kibo ang kanyang ama, da best ito sa kanya. Mabait kasi ang ama niya. Wala itong imik pero responsable at masipag. Sa isang pabrika ito nagtatrabaho. Tuwing Linggo na wala itong pasok ay ipapasyal siya at kanyang ina sa isang mall. Pagkatapos mamasyal, kakain sila. Hindi niya malilimutan ang tagpong iyon sa piling ng kanyang ama. Grade 5 siya noon.

Hanggang mamatay nga ang kanyang ama. Naaksidente ito sa pabrika. Hindi siya makapaniwala na sa isang iglap, wala na ang kanyang ama – ang kanyang mabait na ama. Hindi niya matanggap at sinasabi sa sarili na panaginip lamang ang lahat. Pilit niyang pinaniniwala ang sarili na paggising niya ay buhay ang ama. Na hindi totoo na patay na ito. Pero wala na talaga. Iniwan na talaga sila.

Nakatanggap ng pera ang kanyang ina mula sa pabrika. Pinuhunan nito sa pagtitinda sa harap ng bahay at nagpa-five-six. Sabi ng kanyang ina, kailangang mabuhay sila at para makapag-aral siya. Gagawin daw nito ang lahat para makapagtapos siya.

Pero kung gaano ang kanyang pagkabigla sa pagkamatay ng kanyang ama, mas lalo ang pagkabigla niya nang malamang nag-asa­wang muli ang kanyang ina.

Wala pang isang taon mula nang mamatay ang kanyang mahal na ama, mayroon na itong kapalit – si Mauro – na noong una ay mukhang anghel pero makaraan ang ilang buwan ay naging demonyo.

Lumabas ang tunay na ugali – lasenggo, sugarol, addict, umbagero at iba pang masamang ugali.

Nasimot ang perang pinaiikot sa tindahan at five-six. Bumagsak sa paglalabada ang kanyang ina. Ang kinikita nito sa paglalabada inaagaw pa ng demonyong si Mauro. At kapag hindi binigay ang kinita, bugbog ang kapalit.

Hindi niya sinisisi ang ina sa nangyari. Wala nang magagawa sapagkat nang­yari na ang pagkakamali. Ang dinadalangin na lang niya ay mamatay na ang demonyong si Mauro. Pero bakit kaya hindi pa dinirinig ang kanyang dalangin?

Dalawang araw na siyang hindi pumapasok. Bakas pa ang pasa sa kanyang pisngi.

Nahuhulaan niya na nagtataka na si Monay kung bakit wala siya. Si-guro nagtataka na rin ang mga kaklase niya kung bakit dalawang araw na siyang absent.

Tama ang hula niya

(Itutuloy)

Show comments