Ang Babae sa Silong (98)
“Alam ko na ang problema mo Gab. Akong bahala sa hospital bill ng mama mo,’’ sabi ni Dado.
‘‘Salamat Dads. Hindi ako nangangako pero babayaran kita.’’
“Huwag mong isipin ‘yun. Para ano pa at nag-alok ako ng tulong? Basta ang mahalaga ngayon ay ligtas na ang mama mo. ‘Yun ang dapat mong ipagpasalamat.’’
“Oo nga Dads. Kung namatay si Mama hindi ko alam kung ano ang mangyayari sa akin. Baka…’’
“Iwasan mong maging negative. Basta ang isipin mo e laging positive, okey?’’
Tumango si Gab.
“Sige ayusin na natin ang bill ng mama mo at nang mailabas na natin siya.’’
Tinungo ng dalawa ang billing section ng ospital.
Makalipas ang isang oras, nabayaran na nila lahat.
Dakong alas dose ng tanghali, nailabas na nila ang mama ni Gab.
‘‘Pauwi na tayo, ‘Ma. Magpalakas ka na ha?’’ sabi ni Gab habang palabas sila ng ospital. Si Dado ang nagtutulak ng wheelchair nito.
‘‘Oo, Gab.’’
“Huwag ka nang mag-iisip o magwo-worry kaya para hindi na maulit ang nangyari.’’
“Oo Gab. Hindi na ako mag-iisip nang ganun.’’
“Ayaw kong mawala ka, ‘Ma. Kapag nawala ka, mas magiging mahirap para sa akin. Huwag mo akong iiwan ‘Ma.’’
Napakagat-labi ang mama ni Gab sa narinig. Halatang pinipigil ang sarili na huwag umiyak.
Si Dado naman ay naantig ang damdamin. Gusto na ring mabasag ang luha niya. Mahal na mahal kasi ni Gab ang mama niya. Ito ang nagpapalakas ng kanyang loob.
Humanga si Dado sa labis na pagmamahal ni Gab sa mama nito. At naalala niya ang nabasa minsan na ang babae raw na mapagmagmahal sa ina ay magiging mabuting asawa.
“Dado kumusta ka na? Salamat at sinamahan mo uli si Gab.’’
Napapitlag si Dado nang kausapin siya ng mama ni Gab.
“Mabuti naman po. Sabi ko po kay Gab, basta sabihan lang niya ako at sasamahan ko siya kahit saan.’’
“Napakabuti mo Dado. Sana…’’
Napatingin si Gab sa mama niya. Ano kaya ang ibig sabihin ng sana na sinabi nito? (Itutuloy)
- Latest