^

True Confessions

Ang Babae sa Silong (87)

Ronnie M. Halos - Pilipino Star Ngayon

Nagpalit lamang ng damit si Dado at mabilis na nagbalik sa ospital. Sa ganitong pagkakataon, higit na kailangan ni Gab nang dadamay. Kailangan nito nang masasandalan.

Nakaabang na sa kanya si Gab. Umiiyak.

‘‘Hindi na tumagal si Papa, Dads. Pagkaalis mo kanina, bumigay na,’’ sabi at sumubsob sa balikat niya. Ngumuyngoy. Naramdaman­ ni Dado ang mainit na luha ni Gab sa kanyang balikat.

Napansin ni Dado ang inilalabas na bangkay mula sa emergency room. Maaaring­ ‘yun ang papa ni Gab at da­dalhin sa morgue.

Pinayapa ni Dado si Gab. Marahang tinapik ang likod nito.

“Hanggang dun na lang ang papa mo Gab. Kailangan na niyang magpahinga. Kalma ka lang, Gab. Talagang gan­yan...’’

Humikbi si Gab. Muli may naramdamang mainit na luha si Dado.

Maya-maya, umangat ang mukha ni Gab. Dumukot ng panyo sa bulsa. Pinahid ang luha.

“Samahan mo ako Dads, sa pag-aayos ng funeral ni Papa. Baka hindi ko magawa ang mga dapat gawin. Parang hindi ko kaya.’’

‘‘Akong bahala. Ipaubaya mo sa akin ang lahat.’’

“Ikaw lang ang inaasahan ko, Dads. Itong mga kapatid ko, hindi maaasahan.’’

“Kalma ka lang. Sige ayusin muna natin ang lahat ng mga babayaran mo sa ospital. Pag­katapos saka natin asikasu­hin ang funeral.’’

Binayaran nila ang bill sa ospital. Hindi naman namroblema si Gab dahil may insu­rance ang papa niya. Si Dado ang nakipag-transact.

Matapos bayaran lahat, ang funeral naman ang ina­sikaso nila. Si Dado rin ang na­kipagtransaksiyon. Hindi rin naman nagkaproblema dahil mayroon ding memorial plan ang papa ni Gab.

Nang maayos na ang lahat ukol sa punerarya, sinundo na ang bangkay sa morgue ng ospital. Makalipas ang ilang oras, nasa chapel na ito at nakaburol.

“Magpahinga ka muna, Gab. Mayroon ditong room. Ilang gabi ka nang walang tulog. Ako na muna ang magbabantay,” sabi ni Dado.

‘‘Ayokong iwan ka rito, Dads. Hindi pa naman ako inaantok.’’

Magkatabi silang naupo sa bench, ilang metro ang layo sa kinahihimlayan ng papa ni Gab.

“Ang dami mo nang naitu­long sa akin, Dads.’’

“Hangga’t kaya ko, tutulungan kita.’’

“Napakabuti mo, Dads.’’

(Itutuloy)

OSPITAL

Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with