Ang Babae sa Silong (75)
Sinalubong sila sa gate ng mama ni Gab. Napansin agad ni Dado na sa kanya nakatingin ang mama ni Gab.
Nagmano si Gab sa kanyang mama.
Pagkatapos ay ipinakilala si Dado.
‘‘’Ma si Dads, kaibigan ko.’’
‘‘Magandang umaga po Tita,’’ bati niya at kinamayan ito.
‘‘Magandang umaga naman, Dads. Halikayo sa loob.’’
Pumasok sila. Nauuna ang mama ni Gab.
‘‘Hindi mo sinabi na may kasama ka Gab. Sana nakapaghanda ako. Sana itinext mo.’’
“Hindi ko na sinabi at baka mapagod ka lang sa paghahanda e kahit naman ano e kakainin namin.’’
‘‘Nakakahiya kay Dads.’’
‘‘Naku hindi po Tita. Huwag kang mag-alala sa akin. Kahit po espasol e busog na ako. Solb na ako.’’
‘‘Nakatikim ka na ng espasol, Dads?’’
Si Gab ang sumagot.
“Binigyan ko siya ‘Ma. Kasi sa isang apartment kami nakatira. Ako sa silong siya sa second floor.’’
‘‘Ah ganun ba?’’
‘‘Nagpilit siyang sumama sa akin dahil gustong makita itong lugar natin.’’
‘‘Oo Tita. Ayaw akong isama. Buti na lang napilit ko. Ang ganda pala rito sa inyo.’’
Hindi sumagot ang mama ni Gab. Nanatiling nakatingin kay Dado.
“A meron nga pala akong pasalubong sa iyo Tita,’’ sabi ni Dado at binuksan ang kanyang travelling bag. Kinuha ang isang supot na dark chocolates at iniabot sa mama ni Gab.
“Pasensiya ka na po sa pasalubong ko Tita.’’
‘‘Maraming salamat Dads.’’
“Sabi ko kay Dads, ‘Ma e huwag ka nang pasalubungan e bumili rin pala.’’
‘‘Chocolates nga lang ‘yan.’’
‘‘Salamat uli Dads,’’ sabi uli ng mama at binalingan si Gab. ‘‘Anong gusto n’yong ulam?’’
‘‘Kahit ano ‘Ma.’’
“Magluluto ako ng adobong manok sa gata, okey lang sa’yo Dads?’’
“Aba opo Tita. Matagal na po akong hindi nakakakain ng adobong manok.’’
“Nakakapagluto ka na ba ‘Ma?’’ tanong ni Gab.
‘‘Oo naman. Hindi na ako gaanong umaasa sa auntie mo at nakakahiya sa kanya.’’ (Itutuloy)
- Latest