‘‘Sige, kuwentuhan tayo,’’ sabi ni Dado. ‘‘Ang sarap nga ng kuwentuhan natin last time.’’
“Oo nga. Inabala lang ako ng kapatid ko na manghihingi ng pera. Kabuwanan na pala ng asawa. Iniisip ko na kapag nanganak ‘yun, tiyak na ako rin ang tatakbuhan. Wala namang trabaho ang kapatid ko. Buti, mabait pa rin ang biyenan niya.’’
“Mas mabait ka Gab. Hanga nga ako sa’yo sa kabaitan mo – bilang anak at kapatid.’’
“Pero gusto ko nang matapos itong mga pasaning ito. Sana, isang umaga, paggising ko, wala na akong papasanin – wala nang iintindihin. Tulad mo na sana ako Dado na wala nang kargo…’’
Napangiti si Dado. Ilang beses na itong nasabi ni Gab.
‘‘Darating din ‘yun Gab. Malay mo isang umagang paggising mo e wala ka na palang pasanin. Pawang sarili mo na lamang ang inaasikaso mo.’’
“Sana nga Dado.’’
“Meron kang tinanong sa akin last time pero hindi ko na nasagot dahil tumawag nga ang utol mo.’’
“Ano nga yun? Nalimutan ko na.’’
‘‘Tinatanong mo kung may siyota o jowa na ako.’’
“Ah oo! May siyota ka na ba?’’
“Wala!’’
“Bakit?’’
“E ayaw ko nga muna ng responsibilidad. Mas gusto ko muna e nag-iisa. Mas masaya ako sa ganito.’’
“Parehas pala talaga tayo.’’
‘‘Ikaw wala ring siyota o jowa?’’
“Oo naman. Sa sitwasyon ko bang ganito na maraming sinusuportahan e magagawa ko pang makipagsiyota. At saka ayoko ngang makipagrelasyon. Gusto ko mala-yang-malaya – free sa lahat ng mga responsibilidad.’’
“Napi-feel ko ang gusto mo. Nagkakaisa tayo.’’
“Kaya pala ikaw ang gusto kong kausap – nagkakaisa pala tayo, Dado. Bakit ba pinagsupladahan kita nun, ha-ha-ha!’’
Lalong sumarap ang kanilang usapan.
“Bakit Gab ang nickname mo? Gabriela ka ba?’’
“Gabina. Maria Gabina.’’
“A kaya Gab.’’
“Ikaw ano real name mo.’’
“Diosdado.’’
(Itutuloy)