Habang naghahanda ng kanyang kakainin sa tanghalian si Dado, si Gab pa rin ang laman ng kanyang isip. Ngayong nalaman na niya ang buhay nito, lalo siyang naging interesado kay Gab. Siguro’y dahil sa naaawa siya rito. Kung sino pa ang babae ay siyang pumapasan ng responsibilidad.
Pero sa kabila na naaawa siya kay Gab, humahanga siya rito. Sa kabila na maraming pinapasan ay may nakatagong kabaitan. Ipinakita pa rin na mabuting anak kahit ang ama ay iresponsable. Ipinakita pa rin na mabuting kapatid sapagkat lubos ang pagtulong sa kapatid na nakabuntis. Bihira ang ganitong kapatid. Mabibilang sa mundo ang katulad ni Gab.
Napapangiti si Dado habang hinahalo ang kanyang ulam nang maalala ang sinabi ni Gab, na babalik daw ito para makipagkuwentuhan uli. Marami pa raw siyang ikukuwento.
Nang maluto ang ginisang corned beef at kanin, nagsandok na si Dado. Kumain siya. Masarap.
Nang matapos kumain, binuksan ang pasalubong ni Gab na nasa supot. Espasol. Masarap na himagas. Bagumbago. Naubos niya ang isang balot ng espasol.
Ano kaya ang maibigay niya kay Gab kapalit ng mga pasalubong? Tsokoleyt kaya? Baka sawa na sa tsokoleyt. Mag-iisip siya bukas habang nasa opis.
Kinabukasan na papasok siya sa opis, habang bumababa sa hagdan, nakita uli ang may edad na lalaki na pumasok sa inuupahan ni Gab sa silong. Sigurado siya, ‘yun ang Papa ni Gab. Hihingi na naman siguro ng pera kay Gab. (Itutuloy)