Ang Babae sa Silong (64)

Sasagutin na sana ni Dado si Gab sa tanong nito kung may siyota na siya nang biglang may mag-ring na cell phone. CP ni Gab ang nag-ring. Dinukot ni Gab sa bulsa ng kanyang shorts ang CP. Sinagot.

“Hello, Gerald?’’

Sumagot ang nasa kabilang linya na tinawag ni Gab na Gerald.

Tumingin muna si Gab kay Dado bago sinagot ang nasa kabilang linya.

“Nandiyan ka na sa inuupahan ko? Sige pupunta na ako,’’ sabi ni Gab at pinatay ang CP.

Saka nahihiyang hinarap si Dado.

“Dumating ang brother ko Dado – si Gerald. ‘Yung sinasabi kong nakabuntis. Tiyak may hihingin na naman sa akin. Saka na lang uli tayo magkuwentuhan. Marami pa akong sasabihin sa’yo. Pasensiya ka na ha?’’

“Okey lang Gab. Salamat nga pala uli sa pasalubong.’’

“Walang anuman. Sige, alis na ako.’’

Inihatid ito ni Dado sa may hagdan. Nagmamadaling bumaba si Gab.

Isinara ni Dado ang pinto. Na­upo siya sa sopa at naglimi-limi sa mga pinagkuwentuhan nila ni Gab.

Ngayon ay malinaw na sa kanya ang lahat. Alam na niya ang story ng buhay ni Gab. Pagkaraan ng ilang buwan na pagsubaybay kay Gab, nahukay na rin niya ang “misteryo” sa buhay nito. Nawala na ang mga pag-aalinlangan at pagsususpetsa niya rito.

Kawawa naman pala si Gab. Maraming pinapasang responsibilidad. Gustong makatakas sa mga pasanin pero walang magawa. Sa kanya umaasa ang lahat.

Katulad niya, gusto rin pala ni Gab na walang iniintindi sa buhay. ‘Yung malaya sa responsi­bilidad at walang pasanin.

Pero sa kasalukuyang sitwas­yon ni Gab, mukhang matatagalan pa bago siya makalaya. Matagal pa ang kanyang ipagtitiis.

Ano kaya ang maitutulong niya kay Gab para maibsan ang dinaranas nitong pasanin?

Mukhang lagi na siyang pu­puntahan ni Gab para makipagkuwentuhan at magkumpisal pa ng mga masasaklap na nangyayari sa buhay nito. Sabi kanina ni Gab, marami pa raw siyang iku­kuwento. (Itutuloy)

Show comments