Parang pinagtiyap ng pagkakataon na habang pinag-uusapan nina Cris at Hani si Diana, bigla itong dumating. Halatang galing sa probinsiya. May dalang maleta.
“Diana!’’ sigaw ni Cris.
Lumapit si Diana. Nasa mukha nito ang malaking pagtataka.
“Kuya anong nangyari rito? Bakit may mga tao sa labas at mayroon silang pinag-uusapan. May nahuli raw dito sa atin? Ano ‘yun Kuya?’’ sunud-sunod na tanong ni Diana.
“Si Gretchen at ang kakutsaba niyang magnanakaw ang nahuli Diana.’’
“Si Gretchen at magnanakaw? Hindi ko maintindihan Kuya.’’
Idinetalye ni Cris ang buong pangyayari kay Diana.
Hindi makapaniwala si Diana.
“Bakit nagawa ni Gretchen ‘yun sa‘yo Kuya?’’ tanong ni Diana. “Wala ka namang ginagawa sa kanya.’’
“Hindi nga rin ako makapaniwala, Diana. Mabuti naman ang pakikitungo ko sa kanya. Hindi ko akalain na magagawa niyang kumutsaba at umupa ng magnanakaw para ako biktimahin. Mabuti at nakapaghanda ako. Kung nasorpresa ako, baka napahamak ang buhay ko – baka napatay ako ng magnanakaw.’’
Napa-diyos ko si Diana.
‘‘Nagsa-shabu raw si Gretchen kaya kailangan ng pera sabi ng magnanakaw na inupahan niya. Lulong na raw.’’
‘‘Sabi ko na nga ba at nagsa-shabu siya,’’ sabi ni Diana at napailing-iling. “Kaya pala marahas siya. Kaya pala masyado siyang bayolente.’’
“Napansin mo rin, Diana.’’
“Oo Kuya. Kaya nga kusa na akong dumistansiya sa kanya. Kasi tuturuan niya akong mag-drugs. At kapag hindi nasunod ang gusto niya ay nananakit.’
“E Diana, may sinabi laban sa’yo si Gretchen. Ikaw daw ang may pakana nang gagawing pagnanakaw sa akin. Buntis ka raw at gumagamit ng droga kaya nagpaplano na magkapera. At ‘yun nga ang napagkasunduan, aakyat ang magnanakaw at isasagawa ang paglimas sa aking kuwarto. At sabi pa ni Gretchen, kaya ka umuwi ng probinsiya ay para hindi ka mapagbintangan na ikaw ang nagplano ng pagnanakaw.’’
“Ako pala ang lumalabas na kontrabida. Hindi ko magagawa ‘yun. Kaya ako umuwi ay dahil may nangyari sa daddy ko. Inatake siya sa puso at nasa ospital pa hanggang ngayon. Kaya ako bumalik ay para kunin ang mga gamit ko rito. Sa probinsiya na lang ako Kuya para lagi kong nakikita si Daddy.’’
Napabuntunghininga si Cris. Malinaw na malinaw na ang lahat – si Gretchen talaga ang ‘‘utak’’ at walang kasalanan si Diana.
(Itutuloy)